Hataman

Kongresista naghain ng panukalang batas para parusahan ang mga inaaglahi ang isang tao batay sa kaniyang lahi at iba pa.

208 Views

NAIS ng isang Mindanao congressman na parusahan ang sinomang indibiduwal na mayroong diskriminasyon at inaaglahi ang isang tao batay sa kaniyang lahi, relihiyon at paniniwalang ethniko (Ethnic) alinsunod sa nilalaman na panukalang batas na isinulong nito.

Sinabi ni Basilan Lone Dist. Rep. Mujiv Hataman na nais niyang makulong ng anim na buwan at magbayad ng danyos sa halagang P100,000 ang sinomang indibiduwal na mapapatunayang nagpakita ng diskriminasyon at inaaglahi ang isang tao batay sa kaniyang pagkatao.

Ayon kay Hataman, muli niyang isinusulong ang House Bill No. 3526 na may pamagat na “Equality and Non-Discrimination on Race, Ethnicity and Religion Act” upang bigyan ng hustisya ang sinomang tao na nakararanas ng diskriminasyon laban sa mga taong umaaglahi sa kanila.

Ipinaliwanag ni Hataman na sumemplang ang kaniyang panukalang batas noong 18 th Congress kung saan ay umabot na ito sa “third and final reading” ng Kongreso subalit sa kasamaang palad ay nawalan narin ito ng saysay matapos ibasura ng Senado.

Hindi naman naitago ni Hataman ang kaniyang ngitngit sa ilang Senador dahil sa pagbasura ng mga ito sa kaniyang panukala na magbibigay sana ng katarungan para sa mga taong walang habas na kinukutya dahil sa kanilang lahi, relihiyon, kultura at iba pa.

“Sayang at hindi natin ito naipasa noong nakaraang Kongreso, pero may pagkakataon pa na muli natin itong isulong at maisabatas. Dahil hangga’t hindi natin ito nagagawa, patuloy na dadami ang biktima ng diskriminasyon sa ating mga kababayan,” sabi ni Hataman.

Nananawagan din ang Muslim solon kay House Speaker Ferdinand “Martin” G. Romualdez at sa kaniyang mga kasamahan sa Mabbaang

Kapulungan na bigyan ng konsiderasyon at ituring bilang “urgent bill” upang ito’y maisabatas.