Madrona

Kongresista nais wakasan problema sa kuryente sa Romblon

Mar Rodriguez Oct 13, 2022
194 Views

BUNSOD ng kakulangan ng sapat na kuryente sa isang munisipalidad sa Romblon. Isinulong ng isang beteranong kongresista ang isang panukalang batas sa Kongreso na naglalayong bigyan ng prangkisa ang Romblon Electric Cooperative Incorporated (ROMELCO) para makapag-suply ito ng elektrisidad sa nasabing lalawigan.

Sinolusyunan ni Romblon Lone Dist. Cong. Jesus F. Madrona ang kawalan ng kuryente sa mga munisipalidad ng Banton, Corcuera at Concepcion sa kanilang lalawigan sa pamamagitan ng pagbibigay ng prangkisa sa ROMELCO para makapag-supply ng kuryente.

Sinabi ni Madrona na nakapaloob sa House Bill No. 3744 na inihain nito ang pagkakaloob ng prangkisa sa nasabing electric cooperative upang makapagpatayo sila ng kanilang power plant, makapag-operate at makapag-supply ng elektrisidad sa mga nabanggit na lugar.

Ipinaliwanag din ni Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na nakasaad sa Republic Act No. 9136 o mas kilala bilang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) ang obligasyon ng estado o pamahalaan na magkapag-bigay ng kuryente sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Ayon pa sa mambabatas, isinasaad din ng RA No. 9136 na kailangang tiyakin ng gobyerno na maibibigay nito sa lahat ng dako ng bansa ang isang de-kalidad, maasahan at murang supply ng kuryente sa pamamagitan ng mga electric cooperative sa iba’t-ibang lalawigan.

Tiniyak din ni Madrona kayang makapag-supply ng kuryente ng ROMELCO sapagkat sa loob ng mahabang panahon na operasyon nito, nakapag-supply na aniya ang naturang electric cooperative sa iba pang munisipalidad na sakop ng Romblon.

“Since its organization, ROMELCO has been very successful in its electrification program energizing 100% of the four municipalities, 100% of the 66 Barangays, 98% of sitios and 100% of the household connections out of the 27,871 households within its franchise area,” sabi ni Madrona.