Barbers

Kongreso bukas sa suggestion na isama ang kaso ng pakiki-apid sa papatawan ng death penalty

Mar Rodriguez Aug 25, 2022
242 Views

Kongreso bukas na isama pakiki-apid sa papatawan ng death penalty

BUKAS ang Kamara de Representantes sa suwestiyon na isama ang kaso ng pakiki-apid o “adultery” sa mga papatawan ng parusang kamatayan bilang “heinous crime” matapos na muling buhayin ng isang Mindanao congressman ang “re-imposition” ng “death penalty” upang sugpuin ang lumalaganap at lumalalang na kriminalidad sa bansa.

Nauna rito, ipinaliwanag ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na ang “re-imposition” o muling pagbuhay sa “death penalty” ang maaaring makapigil o magsilbing “crime deterrent” laban sa kriminalidad.

Nang tanungin naman si Barbers kung maaaring isama ang pakiki-apid o “adultery” sa mga papatawan ng “death penalty” sinabi nito na: “Iyong adultery eh parang may nag-propose narin. But it depends to the wisdom of the majority kung ano yung gusto nilang isingit, kung ano yung gusto nilang ilagay. If they feel other crimes needs to be penalized with death, for me it’s the majority will of the people”.

Binigyang diin ni Barbers na hindi na aniya natatakot ang mga kriminal ngayon dahil walang habas nilang pinapatay ang kanilang mga biktima na parang kumikitil lamang ng hayop. Kung kaya’t nararapat lamang umano na muling buhayin ang parusang kamatayan.

“Ngayon natatakot tayo dahil maraming krimen na nangyayari na iyong mga walang kamuwang-muwang na mga biktima ay walang awa at walang konsesnisyang pinapatay ng mga kriminal and parang wala silang takot eh. That’s the reason why we need the re-imposition of death penalty and this could be one of the best deterrent,” sabi ni Barbers.

Sinabi din ni Barbers na hindi niya naisama sa isinulong niyang panukalang batas ang kaso ng “plunder” o pandarambong na papatawan ng parusang kamatayan bilang “heinous crime” subalit pagdating aniya sa “committee hearing” sa Kongreso ay maaaring maisama ang plunder sa mga parurusahan ng kamatayan.

“Duon sa aking bill na pinayl (file) hindi ko naisama ang kaso ng plunder. Siguro pagdating duon sa committee hearing ay maaaring maisama ito sa mga papatawan ng death penaly,” ayon pa sa mambabatas.