Martin

Kongreso ipinasa sa ikalawang pagbasa pagpaparehistro ng SIM cards

Mar Rodriguez Sep 15, 2022
181 Views

SIGURADONG “swak sa balde” o mayroong kalalagyan ang mga sindikato at “scammers” na nangbi-biktima ng mga inosenteng indibiduwal matapos aprubahan ng Kongreso sa ikalawang pagbasa ang pag-rehistro sa mga postpaid at prepaid mobile SIM cards na kadalasang ginagamit sa panloloko (scam) at illegal na gawain.

Mismong si House Speaker Ferdinand “Martin” Gomez Romualdez ang “principal author” ng panukalang batas na naglalayong ipa-rehistro ang lahat ng prepaid at postpaid SIM cards. Kung saan, ang kahalintulad nitong panukala ay isinulong na rin ni Romualdez noong 15thCongress o labing-dalawang taon na ang nakakaraan.

Umaasa si Romualdez na hindi maglalaon ay magbubunga rin ang pagsisikap ng Kamara de Representantes na maipapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala bunsod ng lumolobong at lumalalang kaso ng mga “scam” sa mga “text messages” na natatanggap ng mga inonsenteng mobile phone subscribers.

Sinabi ni Romualdez na ang pagsasabatas ng kaniyang panukala ang tanging pipigil o sasawata sa talamak na “text scam” kabilang dito na ang pagpuksa sa pagsasagawa ng mga “illegal activities” ng mga sindikato gamit ang kanilang mobile SIM cards.

Ipinaliwanag ng House Speaker na tanging ang mga postpaid mobile SIM cards lamang ang maaaring ipa-rehistro kung kaya’t malayang-malaya ang ilang walang konsensiyang indibuduwal na gamitin sa illegal na gawain at panloloko ang kanilang postpaid SIM cards.

Inaprubahan din ng Mababang Kapulungan ang rekomendasyon ng House Committee on Information and Technology sa ilalim ng pamumuno ni Navotas Lone Dist. Cong. Tobias “Tobby” Tiangco na i-adopt ang House Bill No. 14 na inihain ni Speaker Romualdez.