Calendar
Gaganapin sa Nobyembre 9 ang ikatlong taunang konsiyerto ng RMA, kung saan magtatanghal ang pinakamahuhusay na estudyante ng akademya ni Jade Riccio.
Konsiyerto ng RMA tampok pinakamahuhusay na mag-aaral ng musika
ANG Riccio Music and Artistry (RMA), ang tanyag na akademya ng musika na pag-aari ng celebrity vocal coach at internationally-recognized soprano na si Jade Riccio, ay gaganapin ang ikatlong taunang konsiyerto nito sa Nobyembre 9, kung saan itatampok ang “best of the best” mula sa daan-daang talento ng paaralan.
Magkakaroon ng media day ang RMA sa Setyembre 10 sa Grand Hyatt Manila sa BGC, kung saan ilalahad ang mga detalye ng nalalapit na konsiyerto—kabilang na ang pamantayan para mapabilang ang mga estudyante, at ang layunin ng taunang pagtatanghal.
May pamagat na “That’s Amore, A Night at the Movies”, personal na sasagutin ng superstar soprano ang mga katanungan ng media.
Ang media day na ito ay magsisilbi ring preview ng inaasahang kahanga-hangang performance ng mahigit 600 piling estudyante ng RMA.
Sa loob lamang ng halos apat na taon mula nang buksan ito noong 2021, umabot na sa mahigit 600 ang estudyante ng RMA.
Ayon kay Riccio, nagsimula ang RMA bilang isang online platform noong kasagsagan ng pandemya—isang one-woman effort upang mapanatili ang musika at pagkamalikhain.
“Ang dating paraan ng pagsu-survive ay naging turning point nang pumasok ang aking unang celebrity student. Nasundan ito ng isa pa, hanggang sa dumami na sila,” aniya.
“Noong Enero 2024, tuluyang naging onsite academy ang RMA—patunay na ang isang munting liwanag ay maaaring maging isang matagumpay na sentro ng sining.”
Sa mahigit 600 estudyante, 70 lamang ang mapipiling mag-perform sa Nobyembre 9—ang itinuturing na “creme de la creme” ng RMA.
Kabilang sa mga estudyante ng RMA sina Michelle Dee, Rhian Ramos, Vivoree, Atasha Muhlach, Erika Raymundo, Ina Raymundo, Pepe Herrera, Max Collins, Amari Sotto, Zia Dantes, Denise Laurel, at marami pang iba.
Ayon kay Riccio, “Ang taunang konsiyerto namin ay higit pa sa isang pagtatanghal—ito ay isang pagdiriwang ng paglago, sining, at pagbabagong personal.
Nabibigyan nito ng pagkakataon ang aming mga estudyante na tumuntong sa isang world-class na entablado, maisabuhay ang kanilang natutunan, at maranasan ang kasiyahan ng pagtatanghal nang may kahusayan.
Higit pa sa musika, ito rin ay nagkakaroon ng epekto sa kumpiyansa sa sarili, disiplina, at katatagan ng mga mag-aaral, at lalo pang pinagtitibay ang komunidad ng RMA.
Nagiging pagkakataon din ito para sa mga pamilya at publiko na masaksihan ang nakabibighaning epekto ng edukasyon sa musika—hindi lang talento ang ipinapakita, kundi pati ang paglalakbay at dedikasyon sa likod nito.”
Ayon sa soprano na sumikat matapos ang viral na cover ng “Bring Me to Life” ng Evanescence noong 2019, hindi lang galing sa musika ang batayan sa pagpili ng makakasama sa konsiyerto, kundi pati ugali at dedikasyon ng mag-aaral.
“Hinahanap namin ang mga estudyanteng may dedikasyon at consistency sa kanilang training; may bukas na isipan sa coaching at feedback; may commitment at growth mindset.
Sa RMA, hindi lang ito tungkol sa raw talent—kundi sa pagyakap sa proseso, pagsunod sa aming standard of excellence, at pagiging handa na ibahagi ang kanilang sining nang may kumpiyansa,” paliwanag ni Riccio.
Si Riccio ay nagtapos bilang cum laude sa UST Conservatory of Music, at agad na nag-perform sa mga kilalang personalidad.
May likas na talento sa musika, kaya niyang awitin ang halos lahat ng piyesa ni Andrew Lloyd Webber nang walang kahirap-hirap.
Ilan sa mga classical pieces na kanyang na-perform ay ang La Traviata, Rusalka, Carmen, at Signora Ascolta mula sa Turandot.
Hindi lang sa Pilipinas siya nagtatanghal kundi pati sa ilang kilalang opera houses at teatro sa Europa.
Nakapagtanghal din siya sa mga kaarawan ni dating Unang Ginang Imelda Marcos mula ika-85 hanggang ika-88.
Mahigit isang taon na ang nakalilipas nang pasukin ni Riccio ang crossover music, na pinagsasama ang classical, jazz at pop, at lumikha siya ng sarili niyang komposisyon na pinamagatang “Kailan Kaya.”
Dahil dito, napatunayan niyang hindi totoo na ang classical music ay para lamang sa mayayaman o elitista. Ni ED VELASCO

