Dy

Kredebilidad, pagkatao ni Jonathan Morales kaduda-duda — Dy

Mar Rodriguez May 2, 2024
86 Views

PARA kay House Assistant Majority Leader at Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy, kaduda-duda ang kredebilidad at pagkatao ng dating ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na si Jonathan Morales.

Sa pamamagitan ng press briefing sa Kongreso, binigyang diin ni Dy na kaduda-duda ang mga  pahayag ni Morales sa ginanap na Senate investigation dahil ang pakay ng nasabing pagsisiyasat ay patungkol sa status ng mga illegal drugs na nakumpiska ng PDEA sa Batangas.

Subalit ang ipinagtataka ni Dy ay kung papaanong napasok at natuon ang imbestigasyon sa issue ng “PDEA Links” na nag-uugnay sa ilang celebrity at opisyal ng gobyerno sa kaso ng illegal na droga.

Naniniwala si Dy na ang pagsulpot ni Morales at ang pagbibigay nito ng mga maling testimonya sa Senate investigation ay naglalayong bulabugin ang pamahalaan at siraan mismo ang pagkatao ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Ipinunto pa ng Isabela solon na ang dokumentong iprinisinta ni Morales sa Senate investigation ay walang control number at wala ring pinanghahawakang record ang PDEA batay sa pahayag ni Morales. Kaya ipinapalagay ng mambabatas na “bogus” ang mga dokumentong hawak ni Morales.

“Para sa akin eh’ nakakapagtaka din. Tama ang sinabi ni Congressman Jude Acidre na nakakapagtaka kung bakit si Morales ay anduon sa Senate hearing sapagkat ang dapat tatalakayin duon ay tungkol sa 1.9 tons ng shabu. Pero umabot na sa ang pinag-uusapan ay yung supposedly PDEA Links documents,” wika ni Dy.

Ayon pa kay Dy, sa kasalukuyang modernong panahon napakadali na umanong gumawa o mag-fabricate ng mga pekeng dokumento gaya ng iprinisinta ni Morales sa Senate investigation.

“Tignan din natin ang credibility nung taong nagsasalita na natanggal na sa Kapulisan,” ani Dy.