sara Vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte Kuha ni VER NOVENO

Kulay pulitika dapat burahin ng mananalo sa eleksyon—Mayor Sara

583 Views

SINUMAN ang mananalo sa halalan, sinabi ni vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte na dapat burahin ang kulay pulitika at pag-isahin ang mga Pilipino tungo sa pag-unlad.

Sa kanyang pangangampanya sa Batangas ngayong Huwebes, sinabi ni Duterte na pagkatapos ng halalan ay dapat wala ng kulay pink, dilaw, berde, asul, pula at iba pa at ang kailangang isaisip ay ang kapakanan ng bawat Pilipino.

“Ang sinasabi po namin ay dapat ‘yung mga ma-elect na lider pagkatapos ng halalan ay hihilain lahat, walang kulay – pink, yellow, green, blue, red – walang kulay, hihilain lahat patungo sa tuloy-tuloy na kaunlaran ng ating bansa,” sabi ni Duterte.

Sinabi ni Duterte na dala niya at ng running mate na si presidential candidate Ferdinand Marcos Jr. ang mensahe ng pagkakaisa para sa pagbangon ng bansa mula sa epekto ng pandemya.

Nangako si Duterte na itutuloy ang mga programa ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte gaya ng pagtatayo ng mga imprastraktura, paglaban sa kriminalidad upang maging tahimik at mapayapa ang bansa.

Binigyan-diin din ni Duterte ang pangangailangan na mabigyan ng de kalidad na edukasyon ang mga kabataan na magbibigay-daan upang makahanap ng magandang trabaho.