Hontiveros

Kulto hinubaran sa Senado!

256 Views

ISANG umano’y kulto sa Surigao del Norte ang ibinulgar ngayong Lunes, Setyember 18, 2023 sa isang privilege ni Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros na nagsabing isang libong kabataan ang kasalukuyan nasa kamay ng mga ito na dumadanas ng pang-aabuso tulad ng rape, sexual violence, child, abuse, at sapilitang pag-aasawa at pakikipagtalik ng mga menor de edad kasama na ng kanilang ama at ina.

Ayon kay Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women and Children, hindi maaaring palagpasin ang ganitong uri ng grupo na bumibiktima sa napakaraming tao.

“It is a matter of grave urgency that I am afraid could not be postponed. This is a harrowing story of rape, sexual violence, child abuse, forced marriage perpetrated on minors by a cult,” pagbubulgar ni Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, unang nakilala ang grupo bilang bayanihan o pagiging civic organization na nagsusulong ng bayanihan sa isang munisipyo sa Surigao del Norte.

“Ngunit nuoon 2017 ay nag iba ang hugis at anyo ng organisasyon na ito. Nagsimula ang kulto noong may 17-taong gulang na bata na ginawa nilang susunod na umanong tagapagligtas. Ang lider daw ang susunod na Messias. Siya daw ang Bagong Hesus. Siya daw ang magliligtas sa kanila,” pagsisiwalat ni Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, sinamantala umano ng nasabing kulto ang mga tao matapos yanigin sila ng lindol noong Pebrero 2019. Hinimok umano ng kulto ang mga tao upang umakyat sa bundok na tinawag nilang Kapihan at sinabing ito ang daan tungo sa langit at ang hindi sasama ay masusunog umano sa kumukulong impyerno.

Nagkaroon ng mass exodus kung saan maraming mga mag aaral ,ilang guro at ilang propesyonal , gayundin ang pami-pamilyang nahikayat na umakyat at sumama at tahasang nakumbinse ng grupo dahil sa takot.

Sa itaas ng bundok umano nagaganap ang walang humpay na rape sa mga kabataan gayundin ang sapilitan pagpapakasal ng mga nanay sa ibang lalaki, pagpapalitan ng asawa, sapilitang pakikipagtalik sa kung sinumang lalaki ng mga batang babae at maraming pang pang-aabuso na ibinulgar ng dalawang batang tinawag sa Senado bilang si Jane,15, at Chloe, 15.

Ayon sa isang miyembrong tumiwalag na tinawag na lamang sa pangalan na Renz, ang grupo ay armado ng matitinding baril at delikado para sa mga nagtatangkang tumiwalag o tumakas dahil sako sako umano ang ibat ibang armas na meron ang mga ito.

Ang pera ayon sa rebelasyon ng mga saksi ay kinukuha sa 50% 4Ps ng mga miyembro gayundin ng maraming senior citizen na kaanib nito lalot nuong panahon ng pandemya. Gayundin ang mga TUPAD o AICS na pera ng taumbayan na kinukuhang pilit ng nasabing kulto sa kanilang mga miyembro sa ayaw at sa gusto nila.

Ibinulgar din na bukod dito ay ang ilegal na droga ang pinakamalaking source of funding o pinagkukuhaan ng pera ng kulto at ang nasabing organisasyon ay ginamit ng human shield dahil nailagay sa narco lists ang pasimuno ng organisasyon .

“In July of this year, may walong bata po na nakatakas na sa kulto at nasa kanlungan ng DSWD at LGU. Nagbuo ng Task Force para gumawa ng aksyon laban sa kultong ito. Ngunit gamit ang kanilang pera at impluwensya, kinakasangkapan po nila ang mga magulang na myembro pa nila at nagsasampa po sila ngayon ng Habeas Corpus na mga kaso para maibalik ang mga bata sa kulto,” dagdag pa ni Hontiveros.

Iminungkahi ni Hontiveros ang agaran pakikialam ng pamahalaan nasyonal partikular ang Senado at iba pang awtoridad upang ipahinto ang mga illegal na aktibidad ng grupo.