House Assistant Majority Leader Jude Acidre House Assistant Majority Leader Jude Acidre

KUNG GUSTO MAY PARAAN

15 Views

AML Acidre sa di pag-usad ng impeach trial sa Senado

IKINALUNGKOT ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list ang patuloy na pagkaantala sa pag-usad ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado, kung saan wala pang ginagawang aksyon kahit noong Pebrero 5 pa isinumite ng Kamara de Representantes ang Articles of Impeachment.

Sinabi ni Acidre na nakakalungkot na ginagamit ang mga teknikalidad kaya hindi umuusad ang impeachment trial sa Senado, na isang sistema sa Konstitusyon para mapanagot ang mga umabusong opisyal ng gobyerno.

“Alam mo, with all due respect to the Senate President, ito ang classic na usapin kung gusto, may paraan. Kung ayaw, may maraming dahilan,” ani Acidre, ang chair ng House committee on overseas workers affairs.

Binigyang-diin niya na ang impeachment ay isang prosesong nakasaad sa Konstitusyon at hindi dapat hadlangan ng mga teknikalidad.

Tinukoy din niya na bagaman ilang beses nang binanggit ng Senate President ang mga dahilan ng pagkaantala, lumalakas ang panawagan na ipagpatuloy ang paglilitis.

“It’s very difficult na sabihin na nalulunod sa technicality ang usapan ng impeachment. Alam naman natin ang mga pronouncement ng Senate President at wala pong bago dito. Pero nakikita rin natin ang growing consensus,” dagdag pa niya.

Iginiit ni Acidre na hindi dapat gawing dahilan ang legislative calendar upang ipagpaliban ang impeachment trial, lalo na’t nilinaw na ng mga bumalangkas ng Konstitusyon na ang proseso ng impeachment ay hiwalay sa iskedyul ng lehislatibo.

“Kung hindi ako nagkakamali, si Commissioner Sarmiento na kasama sa bumalangkas sa ating Saligang Batas ay sinasabi niya, there’s a clear distinction between the legislative calendar and the non-legislative functions of Congress,” paliwanag ni Acidre.

Dagdag pa niya, may tungkulin ang Senado ayon sa Konstitusyon na magtipon para sa impeachment trial nang hindi na kinakailangang magpatawag ng special session.

“Naniniwala, ako po ay naninindigan na hindi kailangan ng special session kasi dapat ang Senate ay mag-convene talaga in accordance with the term ‘forthwith’,” aniya.

Si House Assistant Majority Leader Pammy Zamora ng Taguig City ay sumang-ayon kay Acidre, binibigyang-diin na ang pagkaantala ng impeachment trial ay isang usapin ng pamumuno, hindi ng proseso.

“I standly believe that this is a leadership issue or a leadership stance,” sabi ni Zamora, na iginiit na nasa kamay ng mga pinuno ng Senado ang desisyon upang umaksyon sa impeachment.

Binanggit niya na habang patuloy na naaantala ang proseso, lalong nawawalan ng tiwala ang publiko sa mekanismo ng pananagutan, lalo na’t marami pang hindi malinaw na usapin ukol sa paggamit ng confidential funds ng Pangalawang Pangulo.

“Sa kada-araw na pinapatagal ito, taong-bayan ang nawawalan ng pag-asa kung saan talaga napunta ‘yung daan-daang milyong piso ang pinag-usapan,” aniya.

Idiniin din ni Zamora na ang usapin ay higit pa sa isang tao lamang, dahil maraming kahina-hinalang transaksyon ang nananatiling hindi nasasagot, kabilang ang mga ginamit na pekeng pangalan at kaduda-dudang gastusin.

“And this is not only about Mary Grace Piattos. This is about the millions, the safe houses, the millions of other names that were used, same names pero magkaiba lahat,” dagdag pa niya.

Binatikos niya ang kakulangan ng transparency sa paggamit ng confidential funds, na binanggit ang mga peke at dobleng pirma na nagpapakita umano ng sistematikong pagtatago ng mga transaksyon.

“Same signatures, same handwriting, same pen, lahat po ‘yan kailangan mapanagutan, kailangan na masagot,” diin ni Zamora.

Dahil sa lumalakas na panawagan ng publiko para sa kasagutan, parehong hinimok nina Acidre at Zamora ang Senado na gampanan ang kanilang tungkulin sa Konstitusyon upang dinggin ang kaso.