Calendar
Kung walang kasalanan, dapat ma-abswelto
MAGANDANG araw sa lahat ng ating mambabasa.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Binabati rin natin ang ating mga kababayan sa Japan na sina Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, Roana San Jose, Yoshiko Katsumata, Tata Yap Yamazaki, Mama Aki , La Dy Pinky, Endo Yumi, Lorna Pangan Tadokoro, Winger dela Cruz, Hiroki Hayashi, at kay Hiroshi Katsumata.
Ganun din kay Joanne de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman.
***
Muli na namang pinatunayan ng mga taga-Bureau of Customs (BOC) na mahirap lumusot sa mga ports of entry ang mga kontrabando, lalo na ang mga ipinagbabawal na droga.
Huwag natin kalimutan na ang bulto ng illegal drugs sa Pilipinas, kasama na ang shabu, cocaine, ecstasy, at high-grade marijuana o kush, ay nanggagaling na sa labas ng bansa.
Ito ay matapos na mabuwag ang mga shabu laboratories sa bansa, na karamihan naman ay pagmamay-ari ng mga dayuhan.
Malamang na ang mga nakalulusot na droga galing sa labas ng bansa ay ibinabagsak ng mga sasakyang pandagat sa mga isla na hindi naman kayang bantayan ng mga otoridad round-the-clock.
Kulang kasi ng patrol boats ang Philippine Navy (PN), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP) at BOC para bantayan ang libu-libong islang bansa.
Sa lahat ng ports of entry, mahirap lumusot ang mga kontrabando dahil nandiyan ang mga x-ray machines, sniffing dogs at highly-trained customs personnel.
Mabibisto ng mga otoridad ang mga nakatagong shabu, cocaine, ecstasy at high-grade marijuana o kush sa mga shipments.
Kamakailan ay ganyan nga ang nangyari sa Port of Clark sa Pampanga na pinamumunuan ni District Collector Jairus S. Reyes.
Sa pamamagitan ng Port of Clark at Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (IATFAID), kinumpiska ng BOC ang 712 na gramong marijuana na nagkakahalaga ng P1.068 million.
Galing ng California, United States, ang shipment ay deklaradong naglalaman ng jeans. Pero nang idaan ito sa x-ray machine ay nakitaan ito ng suspicious images, dahilan para idinaan ito sa 100 percent examination sa harap ng mga personnel ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at IATFAID.
Dito na nakita ang isang plastic bag na naglalaman ng mga pinatuyong dahon at fruiting tops na pinaghihinalaang marijuana.
Kumuha ng samples na ibinigay naman sa PDEA para sa isang chemical analysis.
At napatunayan ngang marijuana ang mga dahon.
Ang marching order kasi nina Pangulong Marcos at Commissioner Nepomuceno ay lalo pang paigtingin ang pagbabantay sa mga ports of entry.
Ito ay para mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mga kontrabando, kasama na ang mga ipinagbabawal na gamot at produktong agrikultura.
“Our officers…in close coordination with our law enforcement partners, remain steadfast and vigilant in our mission to protect our borders,” Commissioner Nepomuceno said.
He added: “By consistently pursuing this collective effort, we strive to create a safer environment for the public and keep our communities safe from illegal drugs.”
Tama ang ginagawa nina Commissioner Nepomuceno para matigil na ang problema natin sa mga ipinagbabawal na gamot.
Dapat suportahan ng publiko ang BOC sa kanilang hangaring mawakasan na ang pamamayagpag ng “drug monster” sa Pilipinas.
***
Sa dami ng mga nasasangkot sa mga ma-anomalyang flood control projects ay siguradong matatagalan bago natin makamit ang hustisya.
Isa pa, siguradong ang kukuning abogado ng mga high-profile personalities ay mga batikan at magagaling na trial lawyers.
‘Yon mga tipong hindi basta masisindak sa mga ebidensiya laban sa mga suspek.
Dahil mga beteranong abogado, gagawin nila ang lahat para tumagal ang mga kaso at hihintaying mag-subside ang galit ng taumbayan.
Pero naniniwala tayo na handa naman ang mga abogado ng gobyerno para ma-convict ang mga akusado, pati ang mga high-profile suspects.
Ang kailangan lang ay pabayaan nating gumulong ang“wheels of justice.”
Hindi kailangang magkawatak-watak ang mga Filipino dahil sa paghabol ng gobyerno sa mga akusado.
Kung talagang may kasalanan, dapat lang na magdusa, pero kung wala namang kasalanan ay dapat lang silang ma-absuwelto.
Ganyan ang demokrasya.
(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa # +63 9178624484)

