Calendar
Nagtitinda si Divisoria pinayagan muli ni Yorme Isko na makapag-hanapbuhay
NAKAHINGA na ng maluwag ang maraming vendors na nawalan ng hanapbuhay makaraang palayasin ni Yorme Isko Moreno sa inookupa nilang lansangan sa area ng Divisoria.
Pinayagan na kasi ng alkalde na muling makapag-hanapbuhay ang mga vendors nang makipag-usap sa kanya ang mga ito at magsumamo na makabalik sa kanilang puwesto.
Nanggalaiti kasi sa galit si Yorme nang personal niyang masaksihan ang mga nagkalat at ga-bundok na basurang iniwan ng mga vendors sa mga lansangan ng Carmen Planas at M. De Santos Streets nang personal niyang bisitahin ang mga lugar noong bisperas ng Bagong Taon.
Dahil pa nga sa sobrang ngingit, nakapagsalita pa si Yorme sa mga vendors sa paligid na napakasalaula at baka ganoon din ang gawain nila sa kanilang sariling tahanan.
May isa pa ngang vendor ang sinita at kinagalitan ng alkalde nang mahuli niyang kinikuhanan siya ng video habang nagsesermon.
Pero sadya sigurong may pusong maawain at damdaming makatao ang alkalde, lalu na sa mga mahihirap, dahil pinayagan na rin niyang makabalik ang mga pinalayas na vendor sa M. De Santos at Carmen Planas na kilalang lugar ng mga nagtitinda ng prutas.
Sabi pa nga ni Yorme, mabigat din sa kanyang loob na mawalan ng hanapbuhay ang mga manininda na nagtatrabaho ng parehas pero mahalaga aniyang maunawaan ng mga ito ang pananagutan, hindi lamang sa kanilang sarili at pamilya, kundi maging sa Lungsod ng Maynila at sa kanilang kapuwa.
At eto pa, sa halip na ang mga vendors ang humingi ng paumanhin sa kanilang kasalaulaang ginawa, aba’y si Yorme pa ang humingi ng pang-unawa at paumanhin at sinabing ang kanyang naging desisyon, bagama’t mabigat sa kalooban, ay isang hakbang para disiplinahin ang mga vendors. Iba ka talaga Yorme!
Nangako naman ang mga vendors na kanilang pananatilihing malinis, maayos, at ligtas ang kapaligiran, kasabay ng pasasalamat sa alkalde sa pagpayag sa kanila na muling makapagtinda.
Green Legacy Award, iginawad sa Lungsod ng Navotas
IGINAWAD ng Department of Environment and Natural Resources- National Capital Region (DENR-NCR) ang Green Legacy Award sa Navotas City bilang pagkilala sa kanilang pagprotekta at pagpapanumbalik sa magandang kalikasan.
Lubos ang pasasalamat ni Mayor John Rey Tiangco sa DENR-NCR sa pagkilala sa kanilang pagsisikap na mapangalagaan ang kalikasan sa pamamagitan ng kanilang mga programa partikular sa pangangalaga ng baybayin, wastong pagtatapon ng basura, at pakikipag-ugnayan sa kominidad.
Patuloy din ang paghimok ng alkalde ang mga Navoteños na suportahan ang kanilang mga pagsisikap sa pamamagitan ng pagsasagawa ng wastong paghihiwalay at wastong pagtatapon ng kanilang mga basura.
Hindi tumitigil ang pamaalaang lungsod sa pagpapanatiling malinis ang kapaligiran gaya ng palagiang paglilinis ng mga baybayin at mga daluyan ng tubig pati na sa pagtatatag ng Greenhouse at Materials Recovery Facility (MRF) sa Barangay Tanza 2.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
