Vic Reyes

BOC Orchestra

Vic Reyes Feb 1, 2026
125 Views

MAGANDANG araw sa lahat ng ating mga suki, pati na sa mga kababayan natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Roana San Jose, Endo Yumi, Patricia, Coronel, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, La Dy Pinky, , Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.

Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia.

God Bless sa inyong lahat!

***

Taun-taon ay nagpupulong ang lahat ng port collectors ng Bureau of Customs (BOC) sa buwan ng Enero.

Ang taunang pulong ay para maglahad ang mga opisyal ng kani-kanilang accomplishment reports noong nakaraang taon.

Ngayong taon, sa pangunguna ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, ginanap ang collectors’ conference noong Enero 22.

Dito nga inatasan ni Commissioner Nepomuceno ang mga collectors na siguruhin ang “consistent and effective delivery” ng mga mandato ng ahensya.

Ang mga “core mandates include the strengthening of revenue collection, advancing trade facilitation, and intensifying enforcement measures to safeguard the country’s borders.”

Ayon sa BOC chief, ang pulong ay ang unang hakbang sa taong para ituloy ang ating “common mission of delivering the targets.”

Sinabi pa ni Nepomuceno sa kanyang mga kolektor: “Perform well and I will support you because your success is my success and the entire Bureau.”

Tama si Comm. Ariel. Kahit anong ganda ng mga programa ng gobyerno, partikular na ang BOC, ay walang mangyayari kung walang suporta ang mga taong nasa collection districts.

Dapat magtrabaho ang mga taga-BOC na parang isang orchestra.

Lahat ng opisyal at kawani ng ahensya ay dapat sumunod sa kumpas ng konduktor ng “BOC Orchestra”na si Commissioner Nepomuceno.

Kung hindi ay baka magkawindang-windang ang mga trabaho sa aduana.

Kaya ang dapat bantayan ng liderato ng BOC ay ‘yong mga opisyal at empleyado na nalilihis sa tamang landas ng serbisyo publiko.

Sa totoo lang, mahirap o imposibleng mawala ang red tape, graft and corruption, at iba pang kalokohan sa national at local government offices.

Marami na ang mga natatanggal at nakukulong na tiwaling lingkod-bayan pero nandiyan pa rin ang mga katarantaduhan sa government offices.

Ang tanging magagawa ng mga otoridad, sa tulong ng publiko, ay mabawasan man lang ang katiwalian at korapsyon.

***

Nakakumpiska na naman ang Bureau of Customs (BOC) ng cocaine na nagkakahalaga ng P43.4 milyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)noong Enero 29.

Ang cocaine, na tumitimbang ng 8.197 kilograms, ay nakita sa isang checked-in luggage ng isang babaeng pasahero sa NAIA Terminal 3.

Nang idaan sa x-ray scanning ang luggage ay nakitaan ito ng suspicious images,

Agad isinailalim sa 100 percent examination ang nasabing luggage. Dito na nakita ang white powdery substance na napatunayang cocaine.

Ang arriving passenger ay isinailalim sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa Republic Act Nos. 9165 at 10863 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Customs Modernization and Tariff Act, ayon sapagkakasunod.

Sinabi naman ni NAIA District Collector Yasmin O. Mapa na tuloy-tuloy ang kampanya laban sa illegal drugs bilang pagsunod sa utos nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Commissioner Nepomuceno.

***

Pebrero na at inaasahang kaliwa’t-kanan na naman ang mga mangyayaring kasayahan sa ibat-ibang parte ng bansa.

Nandiyan ang Valentine’s Day, mga pista, field trips, kasalan, binyagan, family/class reunions at iba pang gatherings.

Tama lang naman ito kasi sobra-sobra na ang nararamdamang stress ng mga Pilipino dahil sa dami ng mga problema sa bansa.

Nandiyan ang walang katapusang away-politika na nagiging dahilan ng matinding pagkawatak-watak ng mga kababayan natin.

Ang masakit, pati magkakamag-anak, magkukumpare at magkakaibigan ay nag-away-away dahil lang sa napakaruming politika sa bansa.

Talagang nakalulungkot ang nangyayari sa ating bansang Pilipinas.

(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa:+63 9178624484/email: philipreyes08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)