Edd Reyes

Rizal gov. iniutos na paigtingin kampanya vs droga, sugal

Edd Reyes Feb 4, 2026
136 Views

HINDI na bago sa pandinig ng marami ang nangyayaring pag-torture ng ilang mga pulis sa nahuhuli nilang suspek sa nagaganap na krimen para paamnin, lalu na sa mga sangkot sa karumal-dumal na pagpatay.

Kaya lang, hindi rin kaila sa marami na ito ang ginagawang depensa ng mga kriminal kahit hindi totoo para takasan ang kaso, lalu na kung magaling ang makukuha nilang abogado na makakasilip ng kahit maliit na pagkakamali sa paraan ng pagdakip sa suspek.

Mula kasi nang ipasa ang batas na R.A. 9745 o ang Anti-Torture Act noong Nobyembre 10, 2009, ilan pa lamang ang mga naparusahan ng paglabag dito dahil malakas ang naging ebidensiya, tulad ng kuha ng CCTV, kaya siguro naging maingat na ang mga pulis sa pag-trato sa mga nahuhuling kriminal.

Nito lang Disyembre 22, 2025, kinatigan ng Navotas Regional Trial Court (RTC) Branch 286 ang hirit ng isang akusado na ibasura ang kanyang kaso kaugnay sa pagpatay sa dalawa-katao noong Nobyembre 3, 2025 sa Brgy. Bangkulasi dahil pinahirapan umano siya ng mga pulis para lang aminin ang pagpatay.

Nauna na itong itinanggi ni Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela at sinabing ang mga ipinakitang sugat ng suspek ay posibleng nakuha niya habang nakakulong sa masikip na piitan na kadalasang pinangyayarihan ng hindi pagkakaunawaan ng mga naka-detine.

Pero sa utos ng korte na pagbasura sa kaso at pagpapalaya sa akusado, nakasaad na walang personal na kaalaman ang mga umarestong pulis sa naganap na pagpatay sa biktima at nakalipas na ang limang araw bago isinagawa ang pagdakip.

Bukod dito, nauna na palang naghain ng reklamo ang akusado laban sa siyam na pulis na itinuturo niyang nagpahirap sa kanya na dahilan para alisin muna sa puwesto ang mga ito.

Wala tayong impormasyon kung ano ang nangyari sa reklamo ng akusaado laban samga pulis sa PNP Internal Affairs Service na umano’y nag-torture sa kanya pero ang malinaw, may punto ang kapulisan na hindi na matutuklasan kung sino ang utak sa pagpatay kahit una ng sinabi ng akusado na binayaran lang umano siya ng P30,000 ng dalawang barangay official para paslangin ang mga biktima.

Kampanya vs droga at sugal, paiigtingin sa lalawigan ng Rizal

NAPIPIKON na raw ang ilang mga operator ng peryahan sa lalawigan ng Rizal kina alyas “Junjun” at “Marcial” dahil para raw metro ng taxi kung maningil ng tara.

Ibig sabihin, palaki ng palaki ang hinihinging tara ng dalawa gayung hindi naman na lumalaki ang kanilang kita kumpara noong panahon ng Kapaskuhan.

Pero may mga nagtitiyaga pa rin kahit humina na ang kita kesa nga naman sa wala kapag nagsara sila tulad nina alyas Bert at Toto na may puwesto sa Brgy. Dela Paz sa Antipolo, alyas Lolong at Toto sa Brgy Mambog, Binangonan, alyas Rambo sa Sampaloc, Tanay, alyas Panganiban sa Bayan ng Morong at alyas Tessie sa Brgy. Dolores at Brgy. Sta Ana sa Taytay.

Hinala ng mga operators na kaya sila ginagatasan ng husto ng dalawa ay dahil may utos na raw si Rizal Governor Nina Ricci Ynares-Chiongbian na paigtingin ang kampanya laban sa krimen, partikular sa ilegal na droga at ilegal na sugal ,kaya posibleng ipasara na rin sila.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com