Lacson

Lacson: Unpermitted reclaimed areas sa Taguig maaaring ma-forfeit

24 Views

SINABI ni Senador Panfilo “Ping” Lacson nitong Lunes na maaaring mapasailalim sa forfeiture pabor sa pambansang pamahalaan ang mga reclaimed area sa Taguig City na walang permit mula sa Philippine Reclamation Authority.

Ayon kay Lacson, magsisimula rin umano ang Department of Public Works and Highways sa pag-iisyu ng cease-and-desist orders para sa mga nagpapatuloy na slope protection at mitigation projects sa lugar.

Sinabi ng senador na ipinaalam sa kanya at sa kanyang staff ng mga opisyal ng PRA na maaaring mapasailalim sa forfeiture ang mga reclaimed area na walang permit mula sa ahensya, pagmamay-ari man ng lokal na pamahalaan ng Taguig, pribadong indibidwal o corporate entities.

“All reclaimed areas that did not apply and secure permits from PRA are subject to forfeiture in favor of the national government. There is no distinction, whether those reclaimed areas belong to the LGU of Taguig or are titled under private individuals or corporate entities,” sabi ni Lacson.

Ayon kay Lacson, nagkasundo umano ang PRA at DPWH na magsisimula ang DPWH sa pag-iisyu ng cease-and-desist orders para sa mga nagpapatuloy na slope protection at mitigation projects.

Sinabi rin niya na ang planong pagpapahinto sa mga proyekto ay kasunod ng pagkakatukoy ng kanyang team sa 32 proyektong inilarawan niyang maanomalya at pinaghihinalaang ghost projects sa Taguig.

Nauna nang itinanggi ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga alegasyon kaugnay ng ilegal na reclamation at questionable flood-control projects sa Taguig. Sinabi niyang ang lakeshore development ay para sa proteksyon ng Laguna Lake, pampublikong paggamit at pagpigil sa pribadong pagkamkam ng lupang pag-aari ng gobyerno.

“Ang purpose po is to protect the lake. Ang purpose po ay ma-enjoy ng tao. Ang purpose po ay hindi malagyan ng informal settlers at hindi po magkaroon po ng mga, or kung hindi man informal settlers, hindi magkaroon ng mga sindikato, na kakamkamin ang mga lupa dyan at gagawin private. Ang purpose ay tulungan ng Laguna Lake Development Authority na protektahan ang lake,” sinabi ni Cayetano sa nauna niyang pahayag.

Kinuwestiyon naman ni Lacson ang mga pagtanggi ni Cayetano at sinabing sinuportahan umano ng mga naunang pahayag ng PRA, DPWH at Laguna Lake Development Authority ang impormasyong nakalap ng kanyang team.

“In sum, Sen. Cayetano’s denials on his FB Live postings all run counter to the facts as established so far, not only by my team, but validated by PRA and DPWH and Laguna Lake Development Authority in their earlier statements,” sabi ni Lacson.

Sinabi rin ni Lacson na malapit nang simulan ng Office of the Ombudsman ang fact-finding investigation sa mga proyektong kinuwestiyon niya at ng kanyang team.

Ayon sa senador, na-turn over na ng kanyang team sa Ombudsman ang mga rekord at dokumentong nakalap mula sa General Appropriations Acts at official government websites, kasama ang mga kaugnay na litrato at affidavits ng mga pribadong testigo.

“In due time, the Ombudsman will issue subpoenas duces tecum and ad testificandum to DPWH and private witnesses after we also turned them over with their affidavits to the Ombudsman,” aniya.