Malate Ang suspek na nahaharap sa kasong grave threat at paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and ammunition matapos matimbog ng mga operatiba ng MTRU sa ilalim ni PLt. Col. Norman Patnaan. JONJON C. REYES

Lalaki huli sa pananakot, panunutok ng boga sa Malate

Jon-jon Reyes Sep 17, 2026
267 Views

INARESTO ng mga operatiba ng Tactical Motorcycle Riding Unit ng Manila Police District ang lalaki na inireklamo ng pananakot at panunutok ng baril sa 2654, Saygan St., Brgy. 719, Malate, Manila noong Martes.

Nahaharap sa kasong grave threat at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) ang suspek na si alyas John, 30.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Norman Patnaan, hepe ng MPD Malate Police station 9, bandang alas-8:30 ng umaga naganap ang pananakot at panunutok ng baril ng suspek sa biktimang si alyas Anthony, 49.

Base sa imbestigasyon, alas-10:45 ng umaga dinala sa police station ni Kagawad Michael Amurao Ong kasama sina PSSg Rolex Cauilan, PCpl Jeffrey D. Egipto at PLT Luis J. Coderes ang suspek para sa imbestigasyon.

Nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang suspek at biktima at sa gitna ng pagtatalo, biglang naglabas ng baril ang suspek.

Nakipagbuno ang biktima sa suspek at rumesponde ang mga tao.

Matapos mapansin ang kaguluhan, rumesponde sina Cauilan at Egipto at naaresto ang suspek at narekober ang baril niya na may 5 bala.