Nakaw Source: QCPD

Lalaki ninakawan ng kotse ng kaibigang pinatulog sa condo

95 Views

NAARESTO ng mga operation ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang 30-anyos na lalaki matapos umanong karnapin ang kotse ng kanyang kaibigan at tangkaing ibenta ito.

Kinilala ang suspek na si alyas “Jasper,” residente ng Brgy. Poblacion, Makati City. Narekober sa kanya ang umanoy ninakaw niya na silver Ford Fiesta ng biktima.

Sa imbestigasyon, nagpalipas umano ng gabi ang suspek sa condominium unit ng biktima sa Brgy. Old Balara. Kinabukasan, inihatid pa siya ng biktima sa sakayan, ngunit pagsapit ng gabi ay nadiskubre nitong nawawala ang ekstrang susi ng kanyang Ford Fiesta at Hyundai Kona. Nang silipin ang parking area, wala na ang kanyang Ford Fiesta.

Mas lalo pang nabigla ang biktima nang makatanggap ng text mula sa suspek na umaming siya ang kumuha ng sasakyan at humihingi ng P30,000 kapalit ng pagbabalik nito. Nalaman din ng biktima na ibinebenta na umano ng suspek ang kotse.

Dahil dito, nagsagawa ng entrapment operation ang pinagsanib na puwersa ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) at Batasan Police Station (PS-6). Nagpanggap na buyer ang isang pulis at nakipagkita sa suspek sa Times Street corner Examiner Street sa Brgy. West Triangle.

Agad na inaresto ang suspek nang dumating ito sa nasabing lugar na nakasakay sa ninakaw na sasakyan,

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016.