Dedo

Inuman nauwi sa walwalan, saksakan; kelot nasawi

105 Views

PATAY ang isang 49-anyos na lalaki matapos umanong pagbubugbugin, paluin ng bote ng alak at pagsasaksakin ng kanyang kainuman kasunod ng mainitang pagtatalo habang nag-iinuman sa Quezon City, madaling araw nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si alyas “Mitra,” 49, walang asawa, jobless at residente ng Navy Road, Barangay Holy Spirit. Nakatakas naman ang suspek na si alyas “Silla,” 39, na residente rin ng naturang barangay.

Sa ulat ng Holy Spirit Police Station (PS-14), naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling araw sa kanto ng AFP Road at Guerilla Road, Brgy. Holy Spirit.

Sa imbestigasyon, sinabi ng may-ari ng isang sari-sari store na nag-iinuman ang biktima at suspek nang mauwi sa mainitang pagtatalo at suntukan ang kanilang walwalan.

Dito na umano hinampas ng suspek ng bote ng Red Horse ang biktima bago bumunot ng patalim at paulit-ulit itong inundayan ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Matapos ang krimen ay tumakas ang salarin dala ang ginamit na patalim.

Isinugod pa sa East Avenue Medical Center ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.

Patuloy ang follow-up operation ng pulisya upang madakip ang suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa motibo ng krimen.