Calendar

Lalaking may mga kaso ng panggagahasa sa Las Pinas, huli sa S. Leyte
“KAHIT saang lupalop kayo magtago, tutugisin namin kayo”
Ito ang naging banta ng Southern Police District (SPD) sa mga nagtatagong kriminal matapos madakip sa Southern Leyte ang Top 3 Most Wanted Person ng Las Piñas City.
Sa tulong ng mga tauhan ng Libagon Municipal Police Station sa Southern Leyte, nadakip ng mga tauhan ni SPD District Director P/BGen. Manuel Abrugena si alyas “Mitch” 47, Lunes ng alas-11:20 ng umaga sa naturang bayan.
Ayon kay Las Piñas Police Chief P/Col. Sandro Jay Tafalla, dalawang warrant of arrest ang inilabas ni Las Piñas Family Court Presiding Judge Mildred Jacinto Marquez ng Branch 2, na may mga petsang Pebrero 11 at Pebrero 23, ng taong 2022 laban sa akusado para sa mga kasong dalawang bilang na kasong Rape na walang inirekomendang piyansa, tatlong bilang na Acts of Lasciviousness na may P324,000 na piyansa at Lascivious Conduct na may P200,000 na inilaang piyansa.
Mahigit tatlong taong nagtago sa batas si alyas Mitch matapos sampahan ng patong-patong na kaso ng biktima dahil sa ginawang panghahalay at pagmamalupit pa sa biktima.
Sinabi ni BGen. Abrugena na naibiyahe na pabalik sa Las Piñas City ang akusado, ay pansamantala munang ipiniit sa custodial facility ng Las Piñas Police Station habang hinihintay pa ang kautusan ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).