Calendar

League of Mayors ng Laguna suportado senatorial bid ni Pambansang Kamao
PILA, LAGUNA —Nagpahayag ng buo at solidong suporta para kay “Pambansang Kamao” at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao ang mga miyembro ng League of Mayors ng Laguna.
Pinapurihan ng mga mayors mula sa iba’t-ibang bayan ng Laguna ang inilatag na programa ni Pacquiao para tugunan ang “backlog” sa pabahay kung saan marami pa ring Pilipino ang walang sariling tahanan habang ang iba naman ay nananatiling homeless.
Sinabi ng dating senador na para masulusyunan ang problema ng pabahay sa bansa ang isang pamamaraan na gagawin nito ay ang pagbibigay kapangyarihan sa local government units (LGUs) na magpatupad ng housing program sa kanilang nasasakupan alinsunod sa pangangailangan ng kanilang mamamayan.
Bukod dito, ikinagalak din ng mga kasapi ng League of Mayors ang inilatag na vision ni Pacquiao tungkol sa pagbibigay nito ng financial at structural support para sa mga Pilipinong maliit ang kinikita na nagnanais na magtayo ng kanilang maliit na negosyo.
Ipinahayag ni Laguna Mayor’s League President – Mayor Ed Ramos na ang mga planong inilatag ni Pacquiao ay repleksiyon ng kaniyang malalim na pagka-unawa at pakiramdam sa kalunos-lunos na kalagayan ng mga ordinaryong mamamayan.
Binigyang diin ni Ramos na hindi lamang maituturing na champion si Pacquiao sa larangan ng boxing kundi champion din ng masang Pilipino dahil sa mga programang nais nitong isulong at ilatag sakaling papalarin itong makabalik sa Senado pagkatapos ng halalan sa Mayo.
“Manny Pacquiao is not just a champion in the boxing ring. He is alsoi a champion of the masses, his vision to provide accessible housing support small businesses is exactly what our constituents need. Laguna Mayor League fully supports his Senate bid,” sabi ni Mayor Ramos.