Leni Robredo & Kiko Pangilinan

Leni at Kiko binara ni Surigao Bishop Raul Dael

Nelo Javier Mar 13, 2022
269 Views

TILA binara ang tambalang Leni Robredo at Kiko Pangilinan sa harap ng kaparian at mga parishoners sa CARAGA region nang tanggihan ni Bishop Raul Dael ng Diocese of Tandag ang hinihingi nilang private meeting kasabay ng harap-harapan ding pagtabla sa alok na magsuot ang mga pari ng kulay pink na face mask.

Usap-usapan din sa social media ang inabot na kahihiyan nina Robredo dahil sa mismong Banal na Misa ay sinabi ni Bishop Dael na tinangka silang alukin na magsuot ng kulay pink na face mask bago ang banal na Eukaristiya.

“And so Madam Vice-President, Senator Kiko, hindi lahat naka-pink dito. Kaming mga pari gusto n’yo kaming bigyan ng pink na face mask but we maintain that the church will not be endorsing someone but we will be accompanying our people so that their choice will always be based on principle at hindi dahil sa pera,” ayon sa Arsobispo.

Nilinaw pa ni Bishop Dael na wala siyang ineendorsong partikular na kandidato dahil sakali mang magpunta sa kanilang parokya sina presidential candidates Bongbong Marcos, Panfilo Lacson o iba pang kanidato ay tatanggapin din nila ito bilang mga Kristiyano.

Nagpunta ang naturang tambalan sa Surigao del Sur para sa kanilang dalawang araw na campaign sorties.

Humingi sila ng ‘private meeting’ kay Bishop Dael, ngunit sa halip na pagbigyan ay nagdesisyon itong pangunahan ang isang Misa sa San Nicolas de Tolentino Cathedral.

Sinabi ni Bishop Dael na bibihirang magkasama-sama ang mga pari at ministro ng iba’t ibang Christian denominations.

Nasa misang iyon ang iba pang pari, madre, lay ministers, pastor at mga mangangaral mula sa United Church of Christ of the Philippines (UCCP), Iglesia Filipina Independiente (IFI), gayundin si United Church of Christ in the Philippines (UCCP) Bishop Modesto Villasanta.

Hayagang sinabi ni Dael kina Leni at Kiko na hindi lahat ng nasa Tandag Catholic diocese ay ‘pink.’

Mas marami pa rin aniya sa kanila ang hindi pa nagdedesisyon kung sino ang iboboto sa darating na eleksiyon.

Ang sitwasyong ganito ay hindi rin maaaring mani-negotiate ng kahit sino dahil binibigyan nila ng kalayaan ang mga parokyano na makapili ng napipisil nilang kandidato.

“We are non-partisan, but we can never be neutral when it comes to lies and truth. We do welcome the other candidates as this is part of our discernment process,” sabi pa niya.

Sinabi ni Dael na ang mga lider ng simbahan ngayon ay nakakikita ng mga bagong henerasyon ng botante na tumitingin sa plataporma de gobyerno at nagsasaliksik ng tunay na impormasyon para sa bawat kandidato.

Higit lalo, ayon pa kay Dael ay mas pinapanigan niya ang mga kandidatong hindi lamang isang anino o dumadalaw lamang sa tuwing kampanyahan, kundi mas kahanga-hanga aniya ang mga opisyales ng pamahalaan na sa anumang sakuna o trahedya ay palaging nakadamay sa kanila.