Calendar

LGU ng Zambales mainit ang naging pagtanggap kay Villar
MAINIT ang naging pagtanggap ng mga matataas na pinuno ng Local Government Unit (LGU) ng Zambales kay House Deputy Speaker at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatoirial candidate Camille A. Villar matapos libutin ng kongresista ang iba’t-ibang bayan ng nasabing lalawigan.
Sa pagharap ni Villar sa iba’t-ibang sektor sa pangunguna ng mga senior citizens, socio-civic groups at hanay ng mga kabataan, binigyang diin nito ang kooperasyon sa pagitan ng national at local government sa pagtitiyak na naibibigay ang pangangailangan ng mamamayan mula sa iba’t-ibang lalawigan.
Pinangunahan naman nina re-electionist Zambales Governor Hermogenes “Jun” Ebdane, Jr., Cong. Jay Khonghun at Vice Mayor Christian Esposo kabilang na ang iba pang local officials sa mainit na pagsalubong at pagtanggap kay Villar bilang bahagi ng kaniyang campaign sortie sa Zambales.
Inendorso naman ni Gov. Ebdane si Villar sa kaniyang senatorial bid kasabay ng pagbibigay diin nito sa mga tulong na naipagkaloob ng kongresista para sa lalawigan kabilang na dito ang mga infrasturcture at agricultural projects na pinakikinabangan ng libo-libong Zambaleño.
“Huwag niyo kalimutan. Ito ang masarap, kahit pagod ka na. Nawawala ang pagod namin kapag nakikita namin ang napakaraming Zambaleño na sumusporta sa amin. Huwag niyo rin kalimutan si Congresswoman Villar. Ang ating kasangga sa Senado,” wika ni Ebdane sa kaniyang talumpati.
Pinayuhan din ni Ebdane ang kaniyang mga kababayan na pumili ng karapat-dapat na kandidato na tunay na magsisilbi at magtatanggol sa kanilang kapakanan.