Bato Source: FB file photo

Libanan kay Sen. Dela Rosa: Harapin ang katotohanan

141 Views

Aminin ang pagkakasangkot sa mga pagpaslang sa drug war

HINAMON ni House Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na ilantad ang katotohanan tungkol sa kanyang papel sa pagkamatay ng mahigit 27,000 Pilipino sa pagpapatupad ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyang diin pa ni Libanan, na kilalang tagapagtaguyod ng katarungan na naka-ugat sa moral at etikal na prinsipyo, ang kahalagahan ng pagiging tapat at magkaroon ng pananagutan sa mabigat na alegasyon ng extrajudicial killings.

Si Libanan ay isang dating seminarista mula sa Seminario de Hesus Nazareno, isang abogado at dati ring naging chairperson ng House committee on justice.

“As it says in Proverbs 12:22, ‘The Lord detests lying lips, but he delights in people who are trustworthy,’” ani Libanan bilang paalala sa lahat ng mga lingkod-bayan na ang katotohanan ay pundasyon ng tiwala ng publiko at pagpapala ng Diyos.

“Senator Dela Rosa, ang hinihingi natin dito ay simple lang — maging tapat tayo sa taumbayan at sa Diyos. The truth has a way of coming out, no matter how much we try to hide it. It is better to face it now with honesty,” ayon pa kay Libanan.

Binibigyang diin ng mambabatas ang kahalagahan ng katapatan, hindi lamang sa mga lingkod-bayan, kundi sa lahat ng indibidwal na nagnanais na maglingkod nang may integridad.

Ipinahayag din ng kinatawan ng 4Ps Party-list ang kanyang pag-aalala sa mga matinding akusasyon laban kay Dela Rosa at sa Philippine National Police (PNP).

“Hindi natin maaaring kalimutan ang sinabi sa atin sa 1 John 1:8-9: ‘If we claim to be without sin, we deceive ourselves and the truth is not in us. If we confess our sins, He is faithful and just and will forgive us.’ Alam nating lahat na walang lihim na hindi nabubunyag,” pahayag nito.

Pinuri naman ni Libanan ang mga matapang na inihayag ang katotohanan, katulad ni PLt. Col. Jovie Espenido, sa kabila ng banta sa kanyang kaligtasan.

“Ang katapangan ni Colonel Espenido ay isang halimbawa ng tunay na pagmamahal sa bayan at sa katotohanan. Ang mga taong lumalaban para sa katotohanan ay nagpapakita ng tunay na pagmamalasakit sa kapwa,” ayon pa kay Libanan, kasabay ng paghimok sa ibang mga saksi na lumantad na rin upang matiyak na makakamit ang katarungan para sa mga pamilya na nawalan ng mga mahal sa buhay sa panahon ng kampanya kontra ilegal na droga.

Sinabi pa ni Libanan na moral na obligasyon ng mga nasa kapangyarihan, tulad ng mga lingkod bayan, na maging huwaran lalo na sa pagtanggap ng pagkakamali at pagpapakumbaba.

“As a former PNP chief, dapat ay si Senator Dela Rosa ang nagiging ehemplo ng katapatan at katarungan. Ngunit ngayon, mas mahalaga na siya’y maging ehemplo ng pagsisisi at pag-amin. Tanggapin natin na walang sinuman ang makakatakas sa hustisya ng Diyos at ng batas,” aniya.

Nais ding malaman ni Libanan kung paanong hinaharap ni Dela Rosa ang kanyang konsensya sa kanyang mga nagawa, at ang pagaalala sa posibleng pangmatagalang epekto nito sa kanya, gayun na rin sa lipunan.

“The Lord has said that the sins of the parents will be visited upon their children to the third and fourth generation’ (Exodus 20:5). This is a reminder that our actions today affect not just us, but our descendants as well,” sabi pa ni Libanan.

Sinabi ni Libanan kay Dela Rosa na hindi pa huli ang lahat para humingi ng kapatawaran at gawin ang tamang hakbang sa pag-amin ng kanyang naging papel sa extrajudicial killings.

“Senator, it’s never too late to turn back to what is right. Hindi pa huli ang lahat para sa pag-amin at pagsisisi. The path to redemption is always open for those willing to walk it,” saad pa ni Libanan.