Libanan

Libanan: KFR gangs supilin

Mar Rodriguez Sep 7, 2022
679 Views

IGINIGIIT ngayon ng isang Party List congressman sa Philippine National Police (PNP) na puksain at supilin na nito sa lalong madaling panahon ang mga “kidnap-for-ransom” gangs bago pa sila maging pinakamalaking problema sa peace and order ng bansa.

Ito ang ipinahayag ni House Minority Leader at 4Ps Party List Cong. Marcelino “Nonoy” C. Libanan na dapat kumilos na ang PNP upang ngayon pa lamang ay umpisahan na nilang puksain ang nasabing grupo para hindi na maging “sakit ng ulo” ng pamahalaan.

Sa isinagawang news conference sa Kongreso na pinangasiwaan ni Libanan, nanawagan at umaapela sa pamahalaan ang Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (PCCCII) upang tulungan sila na masawata ang talamak na kidnapping na ang pangunahing biktima ay mga taga Filipino-Chinese community.

Sinabi naman ni PCCCII Secretary-General Bengsum Ko na karamihan sa mga naging biktima ng kidnapping ay mula sa Siyudad ng pasay, Paranaque, Makati at Taguig.

Dahil dito, binigyang diin ni Libanan na hindi na dapat hayaan ng PNP na lalo pang “manganak” o dumami ang bilang ng kidnap-for-ransom syndicate na nagpipiyesta sa kanilang illegal na operasyon sa pamamagitan ng pagdukot sa miyembro ng Filipino-Chinese community.

“We want these kidnapping gangs preying on the Filipino-Chinese community stamped out right away. We do not want their nefarious activities to mutate into a larger threat,” sabi ng mambabatas.

Sinabi pa ni Libanan na kaya lamang aniya namamayagpag ang mga kidnap-for-ransom gangs sa kanilang illegal na gawain ay dahil kahit isa man sa kanila ay wala pang nadadakip at nabibilanggo na isa sa mga problemang kinakaharap ngayon ng PNP.

Dahil sa mga nakagigimbal na insidente ng kidnapping sa Metro Manila, iginiit pa ni Libanan na nagkakaroon na ngayon ng takot ang mamamayan na tinatawag na “state of fear” partikular na sa mga miyembro ng Filipino-Chinese community.