Vic Reyes

Libo-libong kababayan na biktima ng EJK humihingi ng hustisya

Vic Reyes May 14, 2025
13 Views

ISANG maganda at mapagpalang araw sa ating mga mambabasa.

Ganun din sa mga kababayan natin sa Japan, Oman, Saudi Arabia, at ibang panig ng daigdig.

Binabati natin sina: Ma. Theresa Yasuki, Mama Aki ng Ihawan, Winger dela Cruz, La Dy Pinky, Endo Yumi, Patricia Coronel, Roana San Jose, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.

Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

God bless!

****

Sa tingin natin, bilang isang mamamayang Pilipino, dapat tumulong na ang gobyerno sa pag-usig kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague.

Hindi lang kay Duterte kundi sa lahat ng mga taong nasa likod ng madugong anti-illegal drugs war noong nakaraang administrasyon.

Bakit kailangang tumulong ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos sa ICC ngayon?

Kasi nga ang humihingi ng hustisya dito ay libu-libong kababayan natin na hindi nakakuha ng hustisya noong panahon ni Duterte,

Mabuti nga at mayroong isang international tribunal (ICC) na siyang didinig sa reklamo ng mga biktima.

Kung ginawa sana ng administrasyong Duterte ang kanyang trabaho ay wala sanang kaso si Duterte sa ICC.

At patuloy pa rin sana tayong naging miyembro ng ICC.

Kaya lang naman tayo umalis sa nasabing tribunal nang mangpatulong na ang mga kawawang bitktima ng EJK sa ICC.

Maliban sa iilang kasong nai-file sa korte ay walang ginawa ang gobyerno para tugunan ang reklamo ng libu-libong biktima ng giyera laban sa iligal na droga.

Sa ngayon nga ay tinutulungan ng gobyerno, sa pamamagitan ng ating mga embahada, ang isang kababayan natin na may legal problem sa ibang bansa.

Kahit pa nakapatay at nakakulong ang kababayan natin ay agad tinutulungan ng mga taga-Philippine Embassy.

Eh bakit hindi natin tutulungan ang mga kababayan nating humihingi ng katarungan sa ICC?

Hindi ba unfair ito sa kanila? Ang kababayan nating nakagawa ng krimen sa ibang bansa ay todo suporta ang gobyerno natin sa pamamagitan ng embahada, bakit ipagkakait natin ang tulong sa mga biktima ng drug war ni Digong?

Korte Suprema mismo ang nagsabing may karapatan ang ICC na imbestigahan ang crimes against humanity kahit tumiwalag na tayo sa ICC.

Ang mga krimen naman ay nangyari noong miyembro pa tayo ng ICC.

Hindi tayo abogado, pero sa tingin natin ay obligado tayong tumulong sa mga kababayan nating humihingi ng hustisya sa isang international tribunal.

****

Tapos na ang eleksyon sa bansa.

Mainit ang kampanya sa ilang lugar pero sa tingin ng pambansang pulisya ay naging payapa naman ang halalan.

Sa aduana naman ay hindi naging hadlang ang pangangampanya sa trabaho ng mga taga-Bureau of Customs (BOC).

Normal ang trabaho sa iba’t-ibang opisina dahil alam ng mga empleyado ang bigat ng kanilang misyon.

Ito ang revenue generation at paghabol sa mga gumagawa ng mga milagro sa aduana.

Lalo na ang mga ismagler na walang ginawa kundi manlamang sa ating gobyerno.

Nandiyan rin ang pagbaka sa graft and corruption na nananatiling malaking sakit ng ulo ng mga otoridad.