Hontiveros

Libreng dialysis para sa seniors isinusulong

226 Views

KAILANGANG alagaan natin ang mga matatanda na nag aruga sa atin sa panahon ng kanilang kahinaan,”

Ito ang mariin na sinabi ni Senator Risa Hontiveros  matapos niyang kumpirmahin na  muli niyang isusumite ang “Free Dialysis for Senior Citizens Act” ngayong papasok na 19th Congress.

Ang nasabing panukala ay iminungkahi na ni Hontiveros tatlong taun na ang nakakaraan ngunit dahil sa pagpasok ng  COVID-19 pandemic ay hindi na ito nabigyan ng pansin ng maraming mambabatas.

“Hindi biro ang tumanda at lalong hindi biro ang gastusin ng mga ito. Kailangan natin silang arugain. Kailangan aksyunan ng gobyerno ang mga pangangailangan ng ating mga nakatatanda na sadyang pupuntahan naman ng bawat isa sa atin,” ani Hontiveros.

Ang nasabing panukala ay ipinapasok niya sa ilalim ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang dere derecho mapagkalooban ng libreng pagpapagamot sa mga senior citizens na kailangan sumailalim ng regular na  dialysis.

“Ramdam pa rin natin ang epekto ng pandemya. Ngayon ay may mga panibagong pasanin pa ang ating ekomomiya dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina, kaya kailangan nating patuloy na alalayan sila,” giit ni Hontiveros.

Ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng dialysis lalo na sa senior citizens  na may Chronic Kidney Disease (CKD),  heart diseases, high blood pressure, at diabetes.

Ayon pa sa pag–aaral, ang kada isang pasyente ay nangangailangan ng 156 na dialysis sessions  para makumpleto ang pagpapagamot nito. At kung wala aniya ang PHILHEALTH ay hindi kakayaning ang pagbabayad ng mga senior natin na papatak sa humigit kumulang na P12,000 kada linggo para sa dialysis sessions.

Sinabi ng senadora na batid aniya ng lahat na ang karamihan sa senior citizens ay nakaasa lamang sa maliit na pension na tinatanggap ang madalas ay wala na silang pinagkukunan ng pangkabuhayan at pang mentina ng kanilang mga pagpapagamot.

“Since then, we’ve been calling on PhilHealth to continue the free dialysis service. Every year, senior citizens would keep asking us if the free dialysis sessions would continue. Kaya sa tingin ko ay dapat nang gawing batas ito para mabigyan ng kapanatagan ang mga lolo at lola nating umaasa rito. This isn’t just any privilege. It’s literally their lifeline. Dapat automatic na yung pagiging libre ng kanilang dialysis sessions.” pagmamatigas ni Hontiveros.

Matatandaan na iginiit din ni Hontiveros ang karagdagan na pagsama sa subsidya ng  PhilHealth ang libreng dialysis sessions mula 90 to 144 na coverage.

Pinakiusapan din ni Hontiveros ang tamang pagbibigay impormasyon ng Department of Health (DOH)  sa mga sakit na dapat iwasan at mga bagay na makapagbibigay nang sakit sa mga bata at matatanda gayundin ng mga gawain na makatutulong sa bawat Pilipino para malaman ang kahalagahan ng tamang pag iingat sa ating katawan.

“Mas mabuti kung makapag-focus din tayo sa prevention aspect. Ideally, dapat maiwasan natin ang paglala ng mga sakit na mangangailangan ng regular treatment gaya ng dialysis.”hamon ni Hontiveros sa DOH.