Calendar

Libreng pabahay para sa mga mahihirap sisikaping itulak ni Pacquiao
SAN FERNANDO, PAMPANGA — Muling ipinangako ni “boxing legend” at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao na sa kaniyang pagbabalik sa Senado sakaling siya ay papalaring mahalal, sisikapin nitong itulak ang pagkakaroon ng libreng pabahay para sa mga “homeless” na mahihirap na Pilipino.
Ito ang nilalaman ng maikling mensahe ni Pacquiao sa harap ng libo-libong mamamayan ng lalawigan na dumalo sa campaign rally ng APBP Senatorial bet na ginanap sa Gov. Bren Guiao Gymnasium.
Pagbibigay diin pa ni Pacquiao na nauunawaan nito ang kalagayan ng mga mahihirap na mamamayan na walang tirahan at walang matulugan pagsapit ng dilim katulad ng kaniyang naging karanasan at kaniyang pamilya noong mga panahong sila ay naghihikahos.
Dahil dito, sinabi ng dating senador na sakaling siya ay makakabalik sa Mataas na Kapulungan, ang unang magiging “order of business” nito bilang mambabatas ay ang paghahain ng panukalang batas at pagsusulong ng programa upang magkaroon ng libreng pabahay ang mga maralitang Pilipino.
“Nauunawaan ko po ang kalagayan ng mga walang matirhan. Ang mga walang sariling tahanan sapagkat nanggaling ako diyan, noong mga panahong hindi pa ako sikat bilang Manny Pacquiao. Duon po kami natutulog sa kalsada, kaya kapag ako at nakabalik sa Senado. Sisikapin natin na magkaroon ng libreng pabahay ang mga mahihirap na kababayan natin,” sabi ni Pacquiao.