Brian

Llamanzares isasabuhay mga prinsipyo, ipinaglaban ng lolong si FPJ

19 Views

NANGAKONG ipagpapatuloy ni Congressman-elect Brian Poe Llamanzares ang legasiya ng kanyang lolo, ang yumaong hari ng pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr. (FPJ), sa pamamagitan ng tapat, makatao, at makabagong serbisyo publiko.

Si Llamanzares, na nahalal sa Kongreso sa ilalim ng FPJ Panday Bayanihan Party-list, ay nagsabing ang layunin niya ay hindi lamang para bigyan pugay ang alaala ng kanyang lolo kundi isabuhay ang mga prinsipyo nitong ipinaglaban— pagkain sa mesa,katarungan, malasakit, at pakikibaka laban sa katiwalian.

“F is food, P is for Progress and J is for Justice. Nasaksihan ko ang legacy na iniwan ng Lolo ko sa mukha ng iba’t ibang Pilipino. Nagsimula ito noong namatay siya at sa wake niya, napakaraming kwento ng pagtulong, pagmamalasakit at pagmamahal ang isiniwalat ng maraming tao. It opens my heart to the reality of life,” ani Poe Llamanzares.

Hindi umano kathang-isip lamang ang mga papel na ginampanan ni FPJ sa pelikula; para kay Brian, ang mga ito ay sumasalamin sa mga tunay na adhikaing Pilipino—mga halagang nais niyang isalin sa konkretong polisiya at batas.

“Hindi ako pumasok sa showbiz dahil palagay ko, hindi ‘yun ang mundo ko. Mas naramdaman ko ang simpleng kaligayahan sa pakikipagkamay sa mga taong walang boses sa lipunan na kailangang mapakinggan,” dagdag niya.

Bilang anak ni Senadora Grace Poe at apo ni FPJ, lumaki si Brian sa isang pamilyang malapit sa sining at serbisyo. Naging saksi siya sa siglang dala ng kampanya ng kanyang lolo noong 2004, gayundin sa pagkadismaya ng maraming Pilipino sa hindi inaasahang pagkatalo nito at biglaang pagpanaw.

Ngayon, bilang bagong lider, nais ni Brian na ang inspirasyon mula sa kampanyang iyon ay isalin sa aktwal na pamumuno—malapit sa masa at bukas sa dayalogo.

“I think this is the right time to bring the government to the people. Yung tayong mga nahalal ang lalapit sa kanila,” ani niya.

Nagsikap din siya at ang naging puhunan niya sa pulitika ay ang pagbaba sa masa.

Nagtapos din siya ng Political Science sa Ateneo de Manila University, kumuha ng master’s degree sa Climate and Society sa Columbia University, at nagtapos din ng mga programa sa public administration at national security sa Pilipinas. Naging mamamahayag at legislative chief of staff din siya ni Sen. Grace Poe bago tumakbo sa puwesto bilang kinatawan sa Kongreso.

Ang plataporma ng FPJ Panday Bayanihan ay nakatuon sa mga isyung direktang may epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino—seguridad sa pagkain, paghahanda sa kalamidad, tugon sa climate change, at suporta para sa mga sektor na madalas napag-iiwanan.

Ang salitang “Panday” ay hango sa karakter ni FPJ na lumilok ng sariling sandata upang ipagtanggol ang bayan—isang makapangyarihang metapora para sa pagbubuo ng mga solusyon sa lipunan. Ang “Bayanihan” naman ay sumasalamin sa paniniwala sa lakas ng pagkakaisa at sama-samang pag-unlad.

Sa halip na gawing alamat ang nakaraan, layunin ni Llamanzares na bigyang-buhay sa makabagong anyo ang diwa ng kabayanihan na ipinamalas ni FPJ—hindi sa pamamagitan ng tabak, kundi sa pamamagitan ng matino, makatao, at makabuluhang pamumuno.

Sa huli, sinabi ni Brian Poe Llamanzares na ang kanyang misyon ay hindi lamang tungkol sa pamana ng kanilang pamilya. Ito’y isang panata para sa bayan—ang muling pagbuhay sa kabayanihan sa pamamagitan ng tunay na serbisyo.