Calendar
Lolo gusto ‘umiskor’ kay Nene, tiklo
NAHIMASMASAN ang kalasingan ng 66-anyos na lolo ng kuwelyuhan siya ng mga barangay tanod dahil sa reklamo ng 17-anyos na dalagitang kapitbahay na pilit niyang isinasama sa bahay niya noong Biyernes sa Malabon City.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, pauwi na sa bahay sa Brgy. Catmon ang dalagita dakong alas-11:30 ng gabi ng Huwebes nang harangin ni alyas Ricardo sa Int. Sanciangco St. Brgy. Catmon at nagpapasama sa kanya pauwi ng bahay.
Hindi pinansin ng biktima ang lasing na kapitbahay subalit pilit pa rin siyang niyayakag sabay alok ng P1,000 sa dalagita na napatakbo na dahil sa takot.
Dakong alas-2:00 ng madaling araw ng Biyernes nang magkaroon na ng lakas ng loob isumbong ng dalagita sa kanyang ina tungkol sa panggigipit sa kanya ng kapitbahay kaya’t humingi na sila ng tulong sa mga opisyal ng barangay na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Ayon kay Col. Baybayan kasong paglabag sa Safe Spaces Act sa ilalim ng R.A. 11313 na kilala bilang “Bawal Bastos Law” in relation to R.A. 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act) ang isasampa sa suspek dahil menor-de-edad ang muntik mabiktima.