Calendar
LTO: Cool lang, walang mapapala sa road rage
MULING pinaalalahanan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga motorista na magpakita ng maayos na asal sa kalsada dahil nagdudulot lamang ng abala at maaaring humantong sa mas seryosong problema ang mga taong sangkot sa road rage.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nagpalabas na ng show cause order (SCO) laban sa may-ari ng Toyota Prado kung saan ang driver ay sangkot sa road rage.
Namonitor ng LTO social media team ang naturang video at ang pagpapalabas ng SCO ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na habulin at pananagutin ang mga pasaway na motorista.
Batay sa video na nai-post sa Facebook, makikita ang driver ng Toyota Prado na sumisingit sa linya at matapos naglabas ng bastos na hand gesture laban sa isa pang motorista.
Nakilala ng LTO ang plaka ng sasakyan mula sa nasabing video at ito ang ginamit na basehan upang ipatawag ang rehistradong may-ari na residente ng Makati City.
“Ito ang pagkakataon para sa LTO na malaman kung ang may-ari mismo ang nagmamaneho ng sasakyan sa oras ng insidente. Kung hindi naman, nais naming matukoy kung sino ang driver upang mabigyan ng kaukulang aksyon,” pahayag ni Asec. Mendoza.
Kapag natukoy na ang pagkakakilanlan ng driver, ipapataw ang 90-araw na preventive suspension sa kanyang lisensya dahil sa kasong reckless driving at pagiging “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.”
“Samantala, ang nabanggit na sasakyan ay isinailalim na sa ALARM upang maiwasan ang anumang transaksyon habang nasa ilalim ng imbestigasyon,” ayon sa SCO.
Itinakda ang pagdinig sa Agosto 28 sa LTO Central Office.

