LTO

LTO naglabas ng 3,940 show cause orders sa dealers ng mga sasakyan

Jun I Legaspi Sep 2, 2024
104 Views

Na di naglabas ng plaka

NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) ng 3,940 show cause orders (SCOs) sa mga dealers ng sasakyan dahil sa hindi paglabas ng mga plaka, Official Receipt/Certificate of Registration (OR/CR) sa loob ng 11 araw na itinakdang panahon.

Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na ang pagpapalabas ng SCOs bahagi ng pagsisikap na maiwasan ang pag-iimbak ng mga plaka sa iba’t-ibang dealership ng mga sasakyan.

Sinabi niya na karamihan sa mga inisyuhan na ng SCO nagsumite na ng mga komento at paliwanag at sasailalim na sa imbestigasyon ang mga ito.

Ang parusa kaugnay sa kabiguan na maglabas ng mga plaka at dokumento ng LTO umaabot hanggang P1 milyon, depende sa kabigatan ng pagkakasala.

Nauna nang binalaan ni Assec Mendoza ang mga motor vehicle dealers na ilabas ang mga plaka at OR/CR sa oras habang tinitingnan ng LTO ang pagpapatupad ng “No Plate, No Travel” policy matapos na mabura ang backlog sa mga plaka ng mga four-wheel vehicles.

Nakatuon ngayon ang LTO sa backlog para sa mga motorsiklo sa Hunyo 2025 bilang mandato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sa ngayon, maraming opisina ng LTO ang nagpasimula ng mga programa na kinabibilangan ng door-to-door delivery ng mga plaka sa mga nararapat na may-ari.

Hinikayat din ni Assec Mendoza ang mga may-ari ng bagong bili na mga motor vehicle na magsumbong sa LTO errant agents at car and motorcycle dealerships na mabibigo na ilabas ang kanilang mga plaka at OR/CR sa itinakdang oras.

Sinabi ni Mendoza na lahat ng reklamo maaaring ipadala sa mga social media account ng LTO at sa AksyON THE SPOT 0929 292 0865.