Rider1 File photo

LTO naglabas ng SCO vs rider na pumasok sa LSEx

Jun I Legaspi Sep 12, 2024
84 Views

NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) noong Huwebes ng Show Cause order (SCO) para sa rider na pumasok sa South Luzon Expressway (SLEx) kahit alam niya na bawal dumaan ang kanyang motorsiklo sa SLEx.

Batay sa umiiral na alituntunin, bawal sa expressway ang mga motorsiklong mababa sa 400cc pero pumasok pa rin ang rider sa SLEx kahit na 250cc lang ang kanyang motorsiklo.

In-upload pa ng rider ang pagdaan niya sa SLEX na nag-viral nang tinawag siya ng mga netizens dahil sa tahasang pagwawalang-bahala sa batas. Umapela pa ang ilan sa mga netizens sa LTO na bigyan ng karampatang aksyon ang ginawa ng rider.

Matapos malaman ang insidente, sinabi ni LTO Chief Atty. Vigor D. Mendoza II na agad siyang nag-utos ng imbestigasyon laban sa rider.

Sinabi ni Assec Mendoza na ang ginawa ng vlogger hindi lamang iresponsable kundi mapanganib din dahil maaaring magdulot ito ng panganib hindi lamang sa kanyang buhay kundi pati na rin sa iba pang motoristang bumabagtas sa expressway.

“Ang kahambugan na ipinakita ng rider na ito pagpapatunay ng kawalan ng disiplina. This will now be the subject of the investigation on whether or not he will still enjoy the privilege of being issued with a driver’s license,” dagdag pa niya

Sa SCO, natukoy na taga-Quezon City ang rider at ang video na kanyang in-upload ebidensya na mayroon ang LTO sa pagsasagawa ng imbestigasyon.

“As the identified Rider and Registered Owner of the identified Motorcycle, you are directed to show cause in writing why you should not be administratively charged for Disregarding Traffic Sign, Reckless Driving, and why your driver’s license should not be suspended or revoked for being an Improper Person to Operate a Motor Vehicle in connection with the above-stated matter,” ayon sa SCO.

Inutusan din ang rider na humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division, Law Enforcement Service sa Setyembre 16 at dalhin ang lahat ng mga dokumento sa pagpaparehistro ng subject na motor vehicle.

Inilagay din ng LTO ang driver’s license at ang Kawasaki 250 (428UDE) inilagay sa ilalim ng alarma habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.