Calendar

LTO ni-revoke lisensya ng driver sa NAIA tragedy
DAHIL sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan sa kalsada, ni-revoke ng Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon, ang lisensya ng drayber ng itim na sports utility vehicle (SUV) na bumangga sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Mayo 4 na ikinamatay ng dalawang tao.
Batay sa limang-pahinang desisyong nilagdaan ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, napatunayang guilty ang drayber sa kasong reckless driving at pinatawan ng multa na P2,000 bukdo sa pagbawi ng kanyang lisensya.
Ayon kay Asec. Mendoza, pinakamataas na parusang pinapahintulutan ng batas para sa naturang paglabag ang ipinataw na multang P2,000 at pagbawi ng lisensya sa loob ng apat na taon dahil sa pagiging “improper person to operate a motor vehicle.”
Nasawi ang isang apat na taong gulang na anak ng overseas Filipino worker (OFW) at isang 29-anyos na lalaki sa aksidenteng kinasangkutan ng driver.
Nabigong magsumite ng anumang salaysay ang drayber upang ipagtanggol ang sarili o ipaliwanag ang kanyang panig kaugnay sa kasong reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Batay sa Rule I(e) ng Joint Administrative Order No. 2014-01, itinuturing na reckless driving at may kaukulang multang P2,000 ang pagmaneho ng sasakyan sa paraang maaaring magdulot ng panganib sa ari-arian, kaligtasan, o karapatan ng ibang tao.
Dagdag pa ni Asec. Mendoza, ang kapabayaan ng drayber sa kanyang pagmamaneho na naging sanhi ng pagkasawi ng dalawang sibilyan at pagkakasugat ng ilan pang iba, pati na ang pagkasira ng ari-arian, hindi katanggap-tanggap na asal ng isang drayber.
Muling iginiit ng LTO na ang pagmamaneho hindi karapatan kundi isang pribilehiyo na maaaring bawiin anumang oras kapag lumabag sa umiiral na batas at patakaran sa kaligtasan sa kalsada.