Calendar
LTO pinatawag nag-ala-Superman na ikinamatay ng rider
AGAD pinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang motorcycle rider na nagsagawa ng mapanganib na “Superman stunt” habang nagmamaneho sa Marilaque Road sa Tanay, Rizal nitong linggo. Ang insidente ay naging viral matapos mamatay ang kanyang kasamang rider sa naganap na aksidente.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, naipadala na ang Show Cause Order (SCO) sa tirahan ng naturang rider sa Lipa City, Batangas. Inatasan siyang magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi siya dapat parusahan sa kasong reckless driving.
“Personal kong napanood ang video, at bagaman talagang nakakalungkot ang nangyari, maiiwasan sana ito kung pinili lamang nilang maging responsableng motorcycle riders,” ani Asec Mendoza.
“Ngunit may nakatakdang pagdinig sa kasong ito bilang bahagi ng due process, at inaasahan kong maipaliwanag nang maayos ng rider ang kanyang panig dahil ang nakataya rito ay ang pribilehiyong ipinagkaloob sa kanya ng gobyerno upang makapagmaneho ng motorsiklo,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Asec Mendoza na ang pagsasagawa ng stunt sa pampublikong kalsada, na nagresulta pa sa pagkakasangkot ng hindi bababa sa anim na iba pang indibidwal sa aksidente, ay malinaw na paglabag sa mga batas-trapiko.
Sa Show Cause Order na nilagdaan ni LTO-CALABARZON Regional Director Elmer Decena, kinilala ang rider, na iniulat ding isang motovlogger, bilang isa sa dalawang motoristang “walang habas na nagmaneho at hindi isinasaalang-alang ang kaligtasan ng iba sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mapanganib at walang ingat na maniobra.”
“Dahil dito, ikaw ay inaatasang humarap at/o magsumite ng sagot sa ilalim ng panunumpa sa loob ng limang (5) araw mula sa pagtanggap nito, kalakip ang lahat ng kaugnay na dokumento upang pabulaanan ang mga nasabing paratang, at ipaliwanag kung bakit hindi ka dapat sampahan ng kasong administratibo para sa Reckless Driving at/o kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang iyong lisensya, bilang isang motorista na maaaring ituring na hindi karapat-dapat magmaneho,” ayon sa SCO.
Nakasaad din sa SCO na kung mabigo ang rider na magsumite ng paliwanag, ituturing itong pagsasawalang-bahala sa proseso at magbibigay ng awtoridad sa LTO na gamitin ang mga ebidensyang hawak nito upang magdesisyon sa kanyang kaso.