Calendar
Luistro ikinabahala posibleng pagkontrol ng China sa NGCP
IKINABAHALA ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang posibleng pagmamaniobra ng dayuhan sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil mayroon umano itong mga opisyal na Chinese nationals.
Sa ginanap na pagdinig ng House committee on legislative franchises noong Martes, inusisa ni Luistro ang pagsunod ng NGCP sa probisyon ng Saligang Batas na nagtatakda na dapat ay 60 porsyento ay pagmamay-ari ng mga Pilipino, at tanging mga Pilipino lamang ang maaaring maitalaga sa executive position at pamamahala ng kompanya.
Inihalimbawa ni Luistro ang mga ebidensyang mula sa mga rekord ng NGCP, kabilang ang General Information Sheet (GIS), kung saan ang mga Chinese ang nasa mahahalagang posisyon tulad ng chairman of the board, pati na rin ang partisipasyon ng NARI Group Corporation, isang Chinese IT infrastructure provider, sa operasyon ng NGCP.
“It is indeed my humble submission that while, based on the General Information Sheet of NGCP, only 40% is Chinese-owned, considering, however, the presence of Chinese citizens—one as chairman, the other two as evaluators of bids, the other one as chief technical officer, and NARI, which I believe is Chinese IT infrastructure—it seems that control over the NGCP has been compromised already in favor of foreign nationals,” ayon kay Luistro.
Ang NGCP, na namamahala sa power transmission grid ng bansa, ay 40 porsyentong pagmamay-ari ng State Grid Corporation of China, habang ang natitirang 60 porsyento ay pagmamay-ari nina Henry Sy Jr. at Robert Coyiuto Jr., mga Pilipinong negosyante, sa pamamagitan ng Synergy Grid and Development Philippines.
Bagaman ang istraktura ng pagmamay-ari ay tila ayon sa hinihingi ng Konstitusyon, binanggit ni Luistro na ang presensya ng mga dayuhan sa mga pangunahing posisyon ng kompanya ay hindi ayon sa sinasaad ng batas at maaaring magdulot ng banta sa pambansang seguridad ng bansa.
Ayon sa mambabatas, ang prisensya ng mga dayuhan sa mahahalagang posisyon sa NGCP ay hindi lamang sumasalungat sa layunin ng constitutional safeguards, kundi nagbubukas din ng pagdududa kung sino talaga ang may kontrol sa operasyon ng power grid.
Iginiit naman ng opisyal ng NGCP na si Pia San Diego sa komite na tumatalima ang kompanya sa constitutional requirement, at tiniyak na ang lahat ng opisyal sa executive at managerial positions ay pawang mga Pilipino.
Gayunman, hindi sinang-ayunan ni Luistro ang pahayag ng opisyal at sinabing ang mga posisyon tulad ng chairman of the board, chief technical officer at evaluators of bids ay malinaw na bahagi ng managerial roles.
“How do you consider a chairman of NGCP? Is it not a managerial or executive position?” tanong pa ni Luistro.
Iginiit naman ni San Diego na ang chairman ay hindi itinuturing na isang executive official.
Sinabi ni Luistro na base sa 2024 GIS ng NGCP, lumalabas na si Zhu Guangchao, ang chairman of the board, ay isang Chinese national.
Binanggit din ng kongresista ang ilan pang opisyal ng NGCP na pawang mga Chinese—sina Liu Zhaoquiang, ang assistant chief technical officer, at Liu Xinhua, ang chairman of the board audit committee.
“These two officers are responsible for hiring employees and signing contracts with them. Having said so, Mr. Chair, may we hear from NGCP—are you still maintaining your position that executive and managerial officers are Filipino citizens?” tanong ni Luistro.
“Your honor, we maintain that all our executives and officers are all Filipino,” sagot naman ni San Diego.
Ipinakita ni Luistro ang mga karagdagang rekord na nagsasabing si Wen Bo na tinukoy bilang chief technical officer ay Chinese.
“With that, I wish to manifest without asking anymore that NGCP’s operations are clearly participated in by individuals who are not Filipino citizens,” giit pa ng mambabatas ng Batangas.
Ang pagdinig ay bahagi ng isang motu proprio na imbestigasyon ukol sa pagsunod ng NGCP sa kanyang legislative franchise sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9511.
Iniimbestigahan ng mga mambabatas kung ang NGCP ay sumusunod sa mga kinakailangan ng Konstitusyon ukol sa pagmamay-ari at pamamahala ng mga dayuhan sa mga public utilities.
Ipinunto ni Luistro na ang partisipasyon ng mga Chinese national sa operasyon ng NGCP ay nagdudulot ng pangamba sa pambansang seguridad at pagsunod sa constitutional safeguards.
“For this alone, it is my humble submission that the NGCP violated this constitutional provision,” dagdag pa ni Luistro.