LTO

Lπ“πŽ πˆππˆπ’π˜π”π‡π€π 𝐍𝐆 𝐒CO 𝐏𝐔𝐕 πƒπ‘πˆπ•π„π‘ πƒπ€π‡πˆπ‹ 𝐒𝐀 π€π†π‘π„π’πˆππŽππ† ππ€π†πŒπ€πŒπ€ππ„π‡πŽ

434 Views

INISYUHAN ng Land Transportation Office (LTO) sa pamumuno ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ng Show Cause Order (SCO) ang driver ng isang Public Utility Jeepney (PUJ) na naglagay sa panganib sa kanyang mga pasahero habang nagmamaneho sa Marcos Highway, Antipolo City.

Bukod dito, binigyang-diin din ng ahensya na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapahintulot sa mga pasahero na tumayo sa step board o magsabit sa mga gilid ng pampublikong sasakyan habang ito ay gumagalaw.

Makikita sa viral na video na kumakalat sa social media, ang nasabing PUJ ay may apat na pasaherong nakatayo sa step board habang ito’y tumatakbo.

Idinagdag pa rito, ang driver ay nagsagawa ng agresibong pagpapalit ng linya ng kalsada at muntik pang makasagi ng ibang sasakyan.

Ayon sa SCO, kailangang humarap ang driver sa LTO-Intelligence and Investigation Division (IID) sa ika-8 ng Enero 2026 sa LETAS Building, East Avenue, Quezon City.

Kailangan niyang magsumite ng sinumpaang paliwanag kung bakit hindi siya dapat panagutin sa mga kasong Reckless Driving, pagpapahintulot sa mga pasahero na tumayo sa step board, at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle. Maaari ring managot ang may-ari ng PUJ dahil sa hindi wastong pangangasiwa sa kanyang driver at sasakyan.

Samantala, pansamantalang sinuspinde ang lisensya ng driver sa loob ng siyamnapung (90) araw habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Isinailalim din ang PUJ sa alarm status hanggang sa matapos ang pagsisiyasat. Kung hindi makakapunta o hindi magsusumite ng paliwanag ang driver at may-ari sa takdang petsa, ituturing itong pagbalewala sa kanilang karapatan na ipagtanggol ang sarili, at ipagpapatuloy ng LTO ang pagsisiyasat batay sa mga datos na hawak nito.

Binigyang-diin ni Asec. Lacanilao ang kahalagahan ng kaligtasan sa mga kalsada: β€œAng mga insidenteng tulad nito ay hindi lamang labag sa batas kundi nagdudulot din ng malaking panganib sa buhay ng mga pasahero at lahat ng gumagamit ng kalsada. Kasama na rin dito ang pagpapahintulot sa mga pasahero na makasabit o tumayo sa labas ng sasakyan – isang paglabag na laging nagdudulot ng banta sa kaligtasan. Ang LTO ay determinadong tiyakin na lahat ng mga operator at driver ng pampublikong sasakyan ay sumusunod sa mga regulasyon at inaalagaan ang kaligtasan ng kanilang mga sakay.”

Pinalaala rin ni Asec. Lacanilao na ang pagpapatupad ng mga batas ay hindi lamang tungkol sa paghahatid ng parusa kundi higit sa lahat ay tungkol sa pagprotekta sa mga mamamayan at pagtiyak ng ligtas na kalsada para sa lahat.