Vargas

Mabigat na kaparusahan laban sa sindikato na sangkot sa child pornography sa internet ipinanukala ni Cong. PM Vargas

Mar Rodriguez Sep 5, 2022
241 Views

Mungkahi ni Vargas: Mabigat na parusa vs sindikato na sangkot sa child porn

NAIS ng isang neophyte Metro Manila congressman na supilin ang talamak na “child pornography” at “online sexual exploitation” sa mga bata na pinagpipiyestahan sa social media sa pamamagitan ng pagpapataw ng mabigat na kaparusahan laban sa mga gumagawa nito.

Isinulong ni Quezon City 5th Dist. Congressman Patrick Michael “PM” D. Vargas ang House Bill No. 4116 na naglalayong patawan ng mabigat na kaparusahan ang mga grupo at sindikato na sangkot sa “child pornography” at “child exploitation” na laganap sa online.

Sa ilalim ng panukala ni Vargas, ang sinomang grupo at sindikato na nasa likod ng pagpapalaganap ng nasabing illegal na gawain ay papatawan ng “reclusion perpetua” o ang habang-buhay na pagkakabilanggo at magbabayad ng P2 milyon pisong danyos.

Sinabi ni Vargas na noong nakaraang 18th Congress ay maraming panukalang batas ang isinulong ng kaniyang kapatid na si dating QC 5th Dist. Cong. Alfred Vargas na nagtatanggol at nangangalaga sa karapatan ng mga mata na nakakaranas ng pang-aabuso.

Ipinaliwanag ng QC solon na ilan sa mga panukala na inihain ng kaniyang kapatid ay ang tinatawag na “infant-friendly” na mga pasilidad ng gobyerno, pagpapataw ng kaparusahan laban sa hindi pagbibigay ng suporta sa mga bata at iba pang panukala na kahalintulad nito.

“Children today are more vulnerable to sexual predators and syndicates lurking online. The Department of Justice (DOJ) should commend for their tough stance to protect our children. This bill will provide our government the legal weapon they need to address the nefarious activities,” sabi ni Vargas.