CAAP Source: CAAP

Mabilis na pagresponde sa crash landing patok PNP air unit

Alfred Dalizon Feb 22, 2025
17 Views

PINURI ni Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Francisco D. Marbil ang PNP Air Unit sa mabilis na aksyon sa crash-landing ng isang eroplano sa Plaridel, Bulacan noong Miyerkules.

Nakatanggap ng distress call and PNP Air Unit mula sa isang Piper Tomahawk aircraft na kailangang mag-emergency landing noong Pebrero 19.

Bandang alas-9:45 ng umaga ng matanggap ang distress call ng mga sakay ng isang PNP Robinson R44 Helicopter na nagsasagawa ng isang proficiency flight.

Ang crew ng naturang police helicopter na sina Pilot-In-Command Major Bjorn Nicole A. Blanes, Co-Pilot Maj. Junedel S. Mormolindo at Captain Benedict DT de Guzman tumugon sa panawagan ng piloto ng Piper Tomahawk na may tail number na RP-C1085.

Napilitang mag-emergency landing sa isang palayan sa Brgy. Langlagan, Plaridel ang eroplano.

Sina Flight Instructor Capt. Valentin Torres III at Student Pilot Mr. David Cabrera natagpuang ligtas ng mga PNP pilots.

Matapos makumpirma ang kanilang kalagayan, agad ding nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng PNP Air Unit sa Plaridel Municipal Police Station at Aviation Security Unit bago ipinaubaya ang insidente at ipinagpatuloy ang kanilang flight mission.

Nagpasalamat si Gen. Marbil sa maagap na tugon ng PNP Air Unit at pinuri ang kanilang propesyonalismo at dedikasyon sa paglilingkod.

“Ipinapakita ng matagumpay na rescue operation na ito ang ating pagsunod sa hangarin ng Pangulo para sa Bagong Pilipinas—isang pamahalaang epektibo at maagap sa kapakanan ng mamamayan,” sabi ng hepe ng pambansang pulisya.

Binigyang-diin din ng Chief PNP ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na palakasin ang epektibong pagpapatupad ng batas at pampublikong serbisyo sa Bagong Pilipinas.