Madrona

Madrona pormal ng prinoklama ng COMELEC bilang nanalong Kinatawan ng Romblon

Mar Rodriguez May 21, 2025
26 Views

Madrona1Madrona2PORMAL nang prinoklama ni Commission on Elections (COMELEC) – Romblon Provincial Board of Canvassers (PBOC) Atty. Ryan Santos si Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona bilang nanalong Kinatawan ng lalawigan kaugnay sa katatapos pa lamang na May 2025 mid-term elections.

Ginanap ang ceremonial presentation ng mga nanalong lokal na kandidato ng Romblon noong nakaraang May 19, 2025 kasabay ng isinagawang thanksgiving celebration sa pangunguna ni Madrona bunsod ng mayapang pagdaraos ng halalan sa nasabing lalawigan.

Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Madrona na dahil sa panibagong mandato na ipinagkaloob at ipinagkatiwala sa kaniya ng kaniyang mga kababayan, sisikapin umano nitong tuparin ang lahat ng kanyang ipinangako noong nakalipas na kampanya.

Ayon sa kongresista, ipagpapatuloy nito ang kaniyang mga programa at proyekto para sa Romblon gaya ng kaniyang ginagawa sa loob ng mahabang panahon ng kaniyang panunungkulan bilang mambabatas sa Kamara de Representantes.

Paliwanag ni Madrona na sa pagpasok ng 20th Congress, pangungunahan nitong tututukan ang health care system ng kanilang lalawigan, ang pagsasa-ayos ng mga ospital at klinika ng Romblon at ang pagsusulong ng mga infrastructure projects.

Bilang chairman ng House Committee on Tourism, sabi pa ni Madrona bibigyan din nito ng pansin ang pagtutok sa turismo ng kanilang lalawigan sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa tourism infrastructures upang maging accessible ang mga tourist destination sa Romblon.

Samantala, nang tanungin naman si Madrona kaugnay sa magaganap na botohan para sa magiging House Speaker ng 20th Congress, binigyang diin ng mambabatas na buong-buo ang kaniyang suporta para kay Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez.