Calendar
Source: GMA News
Mag-live in partner huli sa Caloocan, sangkot sa 2 dedong bebot sa Zambales
NADAKIP ng pinagsanib na puwersa ng Caloocan City Police, Provincial Police Drug Enforcement Unit (DEU) ng Zambales at operatiba ng Police Regional Office (PRO) 3 ang maglive-in partner na kabilang sa mga suspek sa pagpatay sa dalawang babaeng natagpuang may tama ng bala noong Huwebes ng umaga sa gilid ng kalsada sa Brgy. Salaza, Palauig, lalawigan ng Zambales.
Nasukol ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth at Zambales Provincial Director P/Col. Benjamin Ariola sina alyas “Jinky” 30, at kinakasamang si alyas “Benedict”, 34, sa Room 131 ng Sogo Hotel sa Bagong Barrio, Sabado ng dakong alas-11:30 ng umaga matapos matunton sa pamamagitan ng mga kuha ng CCTV ang kanilang sinakyang itim na Subaru SUV na may plakang NVO 573 na gamit sa krimen.
Iprinisinta nina Cols. Goforth at Ariola ang mga suspek kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio matapos masamsam sa mga suspek ang isang kalibre .38 revolver na hinihinalang isa sa mga ginamit na baril.
Ayon kay Col. Ariola, may kinalaman sa ilegal na droga ang pagpatay sa mga biktimang sina alyas “Khang-Khang”, 24, ng Brgy. Tal-Tal, Masinloc, Zambales at sa isang alyas “Leng-Leng”, na aniya ay kapuwa asset ng kanilang DEU. May nakuha ring kabuuang 15 plastic sachet na pinaglalagyan ng shabu sa dalawa ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operation (SOCO)..
Inaalam pa aniya nila kung sino pa ang mga kasabuwat ng maglive-in partner sa pagpaslang lalu’t may nakuha pang limang basyo ng bala ng kalibre .45 pistola sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Natukoy ng pulisya ang gamit na sasakyan ng mga suspek sa tulong ng 56-anyos na vendor na nakarinig ng sunod-sunod na putok ng baril dakong alas-3 ng madaling araw kasabay ng mabilis na pagharurot ng isang sasakyan. (edd reyes)

