bro marianito

Maging matatag sa pananampalataya

708 Views

Magiging karapat-dapat lang tayo sa Kaharian ng Langit kung matatag ang ating pananampalataya (Mateo 7:21-23)

“Hindi lahat ng tumatawag sa akin. Panginoon, Panginoon, ay papasok sa Kaharian ng Langit, kundi ang mga taong sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa Langit”. (Mateo 7:15)

MARAMI sa atin ang labis na nawiwindang sa tuwing may nababalitaan tayong isang Alagad ng Simbahan ang nasangkot sa isang kontrobersiya o iskandalo katulad halimbawa ng “sex scandal”.

Sino ba naman ang hindi magugulat kapag nabalitaan natin na ang isang Alagad ng Diyos o Mangangaral ng Salita ng Diyos ay nagkaroon ng bawal na relasyon sa isa sa mga miyembro ng kaniyang kongregasyon o Simbahan.

Sapagkat mahigpit na ipinangangaral ng lahat ng Relihiyon at mga Sekta alinsunod sa itinuturo ng Bibliya na ipinagbabawal ng Panginoong Diyos ang pakikiapid o pangangalunya

“Ito ang sinasabi ko sa inyo. Sinumang lalaking humiwalay sa kaniyang asawa, maliban kung ang asawa niya’y nakikiapid.

Itinutulak niya ang kaniyang asawa na mangalunya at siya’y mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya”. (Mateo 19:9)

May ilang naglilingkod sa Simbahan ang sadyang marupok, ito ay isang reyalidad na kailangan nating tanggapin. Dahil kapag pumasok at sumalakay na ang temptasyon ng laman o “temptation of the flesh” marami talaga ang nahuhulog sa bitag ng Diyablo.

Pinatutunayan lamang nito ang kasabihan na hindi lahat ng naglilingkod sa Panginoon ay banal. Sapagkat may mga tao ang sadyang nagpapatangay at nagpapadala sa pambubuyo ni Satanas kaya tuluyan silang nahuhulog sa kasalanan.

Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Mateo 7:15-20) na hindi lahat ng tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Diyos ay nakatitiyak ng makakapasok sa Kaharian sa Langit.

Mahirap sundan ang ating Panginoon o ang pamumuhay natin sa kabanalan lalo na kung mahina at marupok ang ating pananampalataya. Dahil sa mga dumarating na pagsubok sa ating buhay.

Sapagkat kapag tayo ay napapalapit sa ating Panginoon doon naman lalong sumisidhi at umiigting ang mga dumarating na pagsubok. Isa na dito ang mga temptasyon. Dahil ayaw ng Demonyo na mapalapit tayo sa Panginoong Diyos.

Madali lamang tayong nahuhulog sa kasalanan sapagkat hindi matibay ang pundasyon ng ating pananalig sa Diyos. Katulad ng isang taong nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan.

Marupok ang kaniyang pundasyon dahil marupok din ang pananalig niya kay Kristo na siyang matibay na pundasyon ng ating pananampalataya.

“Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga ito ay maitutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan.” (Mateo 7:26)

Kung nais natin matamo ang buhay na walang hanggan at makapasok tayo sa Kaharian ng Diyos sa Langit ang kailangan lamang natin gawin ay ang magpakatatag sa ating pananampalataya at mag-pokus sa ating bokasyon bilang mga Alagad ng Diyos.

Inilalarawan din sa Sulat ni San Mateo na ang mga taong nananatiling matatag sa kanilang pananampalataya at sinusunod ang mga aral ng Diyos ay katulad ng isang matalinong tao na nagtayo ng kaniyang bahay sa pundasyong bato. Ang matibay na pundasyong ito ay walang iba kundi si HesuKristo.

“Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa nga mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kaniyang bahay na ang pundasyon ay bato”. (Mateo 7:24)

Hindi tayo matitinag at maliligalig ng kasalanan. Kung matatag ang ating pananalig sa Panginoon, kaya maaari natin masabi na ang lahat ng tumatawag ng Panginoon, Panginoon ay tunay na makakapasok sa Kaharian ng Langit.

Manalangin Tayo:

Panginoon, nawa’y tulungan mo po kami na maging matatag sa aming pananampalataya. Tulungan mo po kami na makaiwas sa kasalanan. Upang maging karapat-dapat kami sa iyong Kaharian.

AMEN