Hot News

Magkakasunod na effusive eruption ng Mayon Volcano nasa ika-173rd araw na

65 Views
Phivolcs
Source: Phivolcs

PATULOY ang pagdaloy ng lava at iba pang aktibidad ng Bulkang Mayon sa Albay habang umaabot na sa ika-173 magkakasunod na araw ang effusive eruption nito.

Sa pinakahuling update ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Sabado, ibinahagi ang time-lapse footage at mga larawang kuha mula alas-9:41 ng gabi hanggang alas-11:19 ng gabi noong Hunyo 26, at muli bandang alas-2:39 hanggang alas-2:44 ng madaling araw ng Hunyo 27.

Makikita sa mga kuha ang tuloy-tuloy na pag-agos ng nagbabagang lava mula sa bunganga ng bulkan, kasabay ng paglitaw ng pyroclastic density currents (PDC) o “uson” at mga pagguho ng bato sa dalisdis nito.

Nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon, na nangangahulugang may mataas na antas ng pag-aalboroto at posibilidad ng mapanganib na pagsabog.

Dahil dito, muling iginiit ng PHIVOLCS na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) upang maiwasan ang panganib dulot ng biglaang pagdaloy ng lava, pagbuga ng maiinit na abo at bato, at iba pang volcanic hazards.