Calendar
Pulitiko imbes na mag-birthday party nagtanim ng puno
SAN PABLO, Laguna–Nagdiwang ng kaarawan ang isang pulitiko sa siyudad na ito sa pamamagitan ng pagtatanim ng 1,200 tree seedlings sa Malabanban Water reserve sa Brgy. Sto. Anghel noong Hunyo 27.
Mahigit 500 katao ang nakiisa sa programa ni Konsehal Barbie Diaz bilang pagpapakita ng suporta sa adbokasiya para sa pangangalaga ng kalikasan.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga residente, kabataan, mga volunteer, iba’t ibang samahan, at mga tagasuporta ng konsehal.
Sama-sama silang nagtanim ng mga punongkahoy upang makatulong sa reforestation at mapanatili ang luntiang kapaligiran sa komunidad.
Ayon kay Konsehal Diaz, mas pinili niyang ipagdiwang ang kanyang kaarawan sa pamamagitan ng isang proyektong may pangmatagalang pakinabang.
Nagpasalamat siya sa lahat ng dumalo at nakiisa sa programa. Ang malaking bilang ng mga lumahok ay patunay na marami ang handang makibahagi sa mga gawaing naglalayong protektahan ang kalikasan at paunlarin ang komunidad.
Sa pagtatapos ng programa, ipinahayag ng mga organizer ang kanilang hangarin na maipagpatuloy ang mga kahalintulad na aktibidad upang higit pang mapalawak ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pagtatanim ng puno at pangangalaga sa kalikasan.

