Zambales

Magkapatid nalunod sa beach sa Zambales

Bernard Galang Jun 8, 2025
16 Views

NALUNOD ang magkapatid na 10 at 8-anyos noong Sabado sa beach resort sa Iba, Zambales, ayon sa report kay PNP Region 3 chief P/Brig. Gen. Jean Fajardo.

Nasawi ang Grade 4 pupil na si Tammy at Grade 3 student na si Ahima, kapwa residente ng Brgy. Maharlika, Taguig City.

Nalaman sa pagsisiyasat na ang dalawang biktima kasama ang kanilang mga kamag-anak ay umupa sa Marimar Beach Resort sa Brgy. Bangantalinga, Iba, Zambales.

Makalipas ang ilang oras, nakarinig si Miguel Dullas, 34, ng mga boses na humihingi ng tulong dahil nalulunod ang mga bata.

Ang lalaki at iba pang mangingisda ay sumaklolo at sakay ng kanilang mga bangkang pangisda ay nagtungo sa lugar para iligtas ang mga bata.

Gayunman, natagpuang walang malay ang dalawang biktima sa mas malalim na bahagi ng dagat kaya dinala sa Pres. Ramon Magsaysay Memorial Hospital (PRRMH) sa Iba, Zambales.

Pagdating sa ospital, idineklarang dead-on-arrival ang dalawang bata.