Nazal

MAGSASAKA Party List suportado panukala ni PBBM na mag-import ng fertilizer sa susunod na taon

Mar Rodriguez Nov 10, 2022
484 Views

SINUSUPORTAHAN ng MAGSASAKA Party List Group sa Kamara de Representantes ang naging panukala ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na mag-import o mag-angkat ng fertilizer sa susunod na taon upang mapalakas ang food production sa bansa.

Ipinaliwanag ni 1st Nominee MAGSASAKA Party List Cong. Robert Nazal na hindi nila tinututulan at sa katunayan ay sinusuportahan pa nga nila ang naging panukala ng administrasyong Marcos na mag-angat ng fertilizer sa darating na taong 2023. Sapagkat magiging panatag ang presyo ng mga bilihin partikular na ang pagkain.

Sinabi ni Nazal na maituturing na isang magandang balita para sa kanilang hanay ang napipintong importasyon ng fertilizer dahil kaakibat nito ang distribusyon naman ng mga libreng pataba para sa sektor ng mga magsasaka na kasalukuyang nahaharap sa matinding krisis.

“Tama lamang ang gagawing hakbang ng administrasyong Marcos lalo na at hirap na hirap ang ating mga magsasaka at ating mga kababayan na nalulunod na sa mataas na presyo ng mga bilihin,” ayon kay Nazal.

Binigyang diin pa ni Nazal ang kahalagahan ng mga abono o fertilizer sapagkat mas napapabilis nito ang paglago at paglaki ng mga pananim na siyang pinagkukuhanan ng pagkain.

Nabatid na nakatakdang lagdaan ni Pangulong Marcos ang isang Memorandum of Agreement (MOA) na nagpapatupad ng paunang importasyon ng 150,000 metriko tonelada ng pataba mula sa China.

Ang Philippine Trade and Investment Center (PTIC), isang attached agency ng Department of Trade and Industry (DTI), ang siyang mangangasiwa sa pagbili ng Pilipinas ng mga fertilizer.