Calendar

Magsino nagpaabot ng pasasalamat sa UAE para sa pagpapalaya ng 115 OFWs
NAGPAABOT ng taos pusong pasasalamat si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino sa liderato ng United Arab Emirates (UAE) matapos nitong pagkalooban ng “royal clemency” ang mga nakakulong na 115 Overseas Filipino Workers (OFWs).
Pinasalamatan ni Magsino ang Pangulo ng UAE na si Sheik Mohammed Bin Zayed Alnayan at ang Pangalawang Pangulo na si Sheik Mohammed Bin Rashid Al Maktoum dahil sa ipinakita nilang habag sa pamamagitan ng pagpapalaya sa mga 115 Pilipino sa UAE na naharap sa iba’t-ibang mga kaso.
Ayon kay Magsino, ang ipinagkaloob na clemency para sa mga nasabing bilanggong Pinoy sa panahon ng Ramadan at nalalapit na Eid al-Fitr ay maituturing na kahanga-hanga para sa mga pinuno ng UAE dahil ipinakita nila ang kanilang habag o compassion batay sa alituntunin ng relihiyong Islam.
Naniniwala din ang kongresista na ang naging hakbang ng UAE ang inaasahang lalo pang magpapatibay sa magandang ungnayan sa pagitan ng Pilipinas at Middle East.
Kasabay nito, nananawagan din si Magsino sa Department of Migrant Workers (DMW) at Local Government Units (LGUs) na mas agresibong palawakin ang impormasyon tungkol sa Seasonal Workers Program (SWP) sa South Korea.
Hinimok nito ang paggamit ng online platforms, DMW Regional Offices at news outlets para matiyak na alam ng mga aplikante ang tamang proseso ng aplikasyon at kanilang karapatan bilang seasonal farm workers.
Magugunitang sa ginanap na town hall meeting sa pagitan ng OFW Party List at Filipino Communities sa South Korea, direktang narinig ni Magsino ang mga ulat ng paglabag sa karapatang pantao ng mga seasonal farm workers.
Ang SWP ay nagbibigay daan sa mga Pilipino na magtrabaho sa mga sakahan sa South Korea sa loob ng tatlo hanggang limang buwan alinsunod sa Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng lokal na pamahalaan.
Paliwanag ni Magsino na mahalagang ipakalat ang impormasyong ito upang maiwasan ang mga panloloko lalo na at may mga naitalaga aniyang kaso kung saan nagbabayad ng malaki ang mga aplikante sa mga illegal na broker o di-umano’y sa mismong LGU para sa kanilang deployment.
To God be the Glory