Magsino

Magsino nananawagan ng tulong sa gobyerno para sa mga Pilipinong inaresto sa Quatar

Mar Rodriguez Mar 30, 2025
37 Views

BILANG Kinatawan ng libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kamara. Nananawagan si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino sa pamahalaan para mabigyan ng agarang tulong at proteksiyon ang mga Pilipinong inaresto kamakailan sa Quatar.

Nauna rito, pinaghuhuli ng mga awtoridad sa Quatar ang mga Pilipino doon dahil sa di-umano’y pagsasagawa nila ng isang hindi awtorisadong political demonstration.

Dahil dito, umaapela si Magsino sa gobyerno upang mabigyan ng kaukulang tulong ang mga Pilipino sa naturang bansa sa pamamagitan ng tamang consular assistance at matulungan din ang mga ito para masiguro na mayroon siyang due process o hindi nalalabag ang kanilang mga karapatan alinsunod sa batas ng Quatar.

Sabi din ni Magsino na nauunawaan nito ang sentimyento ng ilan sa mga OFWs sa ibayong dagat. Subalit pagdidiin nito na mahalagang igalang ang mga lokal na batas at regulasyon upang maiwasan ang mga kahalintulad na sitwasyon sa darating na hinaharap.

Muling ipinaalala din ng kongresista ang abiso ng mga Philippine Embassy sa iba’t-ibang mga bansa na kailangang umiwas ng mga OFWs sa mga aktibidad na maaaring magdulot sa kanila ng legal na suliranin gaya nito.

Tiniyak naman ni Magsino na patuloy na nakikipag-ugnayan ang kaniyang tanggapan sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW) at sa Philippine Embassy sa Quatar upang matiyak na mabibigyan ang mga nakakulong na mga Pilipino ng nararapat na tulong lalo na sa legal na aspeto.