Calendar

Magsino nananawagan para mabigyan ng proteksiyon mga manggagawa na nasa gig economy
KASUNOD ng pagdiriwang Labor Day, nananawagan si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino sa Department of Migrant Workers (DMW) at iba pang ahensiya ng pamahalaan na nangangalaga sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) upang mas mapalawak pa ang pagbibigay sa kanila ng proteksiyon kabilang na dito ang iba pang mga manggagawa sa bansa.
Partikular na tinukoy ni Magsino ang mga manggagawa na nagta-trabaho sa “gig economy” upang mapalawak ang pagkakaloob ng proteksiyon para sa kanila.
Binigyang diin ng kongresista ang kahalagahan ng pagkilala at pagbibigay proteksiyon para mga gig workers gaya ng delivery riders, online freelancers, construction freelancers at iba pang platform based workers.
Paliwanag ni Magsino na marami sa kanila ang walang Social. Security System (SSS), PhilHealth habang wala rin silang kontrata na may minimum labor standards.
“Hindi na bago sa atin ang gig economy. Marami sa ating kababayan ang umaasa rito para sa kabuhayan pero marami rin sa kanila ang walang mga benepisyo at kontratang nagsasaad ng minimum labor standards. Kailangan silang kilalanin bilang lehitimong bahagi ng lakas-paggawa at bigyan ng nararapat na proteksiyon,” wika ni Magsino.
Nananawagan din si Magsino sa Department of Labor and Employment (DOLE) para magsagawa sila ng komprehensibong pagsusuri sa Labor Code upang mai-akma ito sa sa bagong anyo ng paggawa. Kung saan kinakailangang maisama sa reporma ang mga emerging labor sectors.