Magsino

Magsino nananawagan sa DFA, PH Embassy sa Kuwait para matulungan OFW na nakapatay ng bata

Mar Rodriguez Jan 2, 2025
27 Views

NAGPAHAYAG ng pagkabahala si OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino patungkol sa insidenteng kinasangkutan ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait na nakapatay umano ng isang bata.

Nananawagan si Magsino sa panumunuan ng Department of Foreign Affiars (DFA) at Philippine Embassy sa Kuwait upang matiyak na mabibigyan ng kaukulang tulong ang nasabing OFW sa pamamagitan ng pagkakaroon ng patas na paglilitis para sa kaniya kasunod ng proteksiyon sa kanilang karapatang legal.

Ayon sa ulat ng Kuwaiti News, isang Filipina Domestic Helper (DH) ang nakapatay ng isang bata matapos niya itong isilid sa isang bag at ipasok sa loob ng washing machine na ikinasawi naman ng batang biktima.

Muling ipinahayag ni Magsino na dahil sa pangyayaring ito, kailangang kumilos ang DFA at Philippine Embassy sa nasabing bansa para matiyak na mabibigyan ng patas na paglilitis ang Pinay DH habang gumugulong o pino-proseso ang kaso nito upang hindi malabag ang kaniyang mga karapatan.

Sinabi din ng kongresista na ang kasong ito ay isang paalala patungkol sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa pamahalaan ng Kuwait upang maiwasang maapektuhan ang imahe ng mga Pilipino sa ibang bansa.

Binigyang diin ni Magsino na kinikilala ang mga Pilipino bilang magpagkakatiwalaan at maasikaso sa kanilang tungkulin kaya mahalaga aniya na masiguro na walang magiging negatibong epekto sa 270,000 Pilipino sa Kuwait ang kasalukuyang pangyayari o hindi sila mapagbabalingan ng galit ng mga Kuwaiti.

Iginiit din ni Magsino na ang kaso ng Pinay DH ay isa rin paalala kaugnay sa pangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay at pagsuporta sa mga OFWs patungkol sa pagsasagawa ng programa para sa kanilang mental health, training at legal awareness bago sila ipadala sa ibang bansa.