Lopez Karen Lopez

Magulang ng VMX star humingi ng tulong sa QCPD, aktres ‘nawawala’

15 Views

HINDI pa rin umano umuuwi ang Vivamax (VMX) star na si Karen Lopez at ang boyfriend nito matapos makita na sinundo ng huli sa condo ang aktres noong Mayo 5.

Dumulog na umano ang magulang ng nasabing artista sa Quezon City Police District (QCPD).

Batay sa Facebook post, sinabi ng talent manager na si Lito de Guzman na huling nakita ang 21-anyos na rising star sa ilalim ng VMX noong Mayo 5, bandang alas-12 ng tanghali.

Sinabi ni De Guzman sa Cabinet Files na si Lopez ay sinundo umano ng kanyang nobyo noong araw na iyon sa kanyang condo unit, at mula noon ay wala na silang komunikasyon sa dalawa.

Dahil dito, nagpasya na ang ina ni Lopez na i-report ang insidente sa QCPD.

Samantala, kinumpirma ni director Roman Perez Jr. sa Cabinet Files na nagpatuloy ang shoot para sa Maalikaya sa Upper Antipolo City sa kabila ng pagkawala ni Lopez.

“Kailangan kong baguhin ang script at magpatuloy sa shoot, ngunit umaasa pa rin kami na lalabas si Karen,” sabi niya.

Idinagdag ni De Guzman na kinumpirma ni Lopez na pupunta ito sa huling araw ng paggawa ng pelikula noong nakaraang gabi sa pamamagitan ng kanyang manager.

Inaasahan umano si Lopez sa set ng alas-6 ng umaga noong Mayo 7 ngunit hindi ito nagpakita.

“Alam niya ang tungkol sa shoot. ‘Yun ang kakaiba—she’s never late. Wala siya sa set at wala siya sa condo niya. Nagpa-panic ang lahat,” ayon sa talent manager.

Hindi na rin umano makontak pa si Lopez sa Messenger, Viber at WhatsApp nito, dahilan upang labis na mag-alala ang mga kasamahan niya at ang management team.

Ang Maalikaya ang unang pinagbibidahan ni Lopez sa ilalim ng direksyon ni Perez, kasama sina Jenn Rosa, Aliya Raymundo, Izza Watanabe at Sheena Cole.

Nagpahayag naman ng matinding pag-aalala ang direktor sa kanyang misteryosong pagkawala, lalo na’t ito umano ay palaging propesyonal at madaling makatrabaho.

“Pumunta kami sa condo niya sa Sct. Madriñan, Quezon City, dahil hinahanap na siya ng mga tao. Kumatok kami sa kanyang pinto ng mga 30 minuto ngunit walang sumasagot,” kuwento niya.

Makikita sa kuha ng CCTV na si Lopez ay sinundo ng kanyang kasintahan, na kinumpirma rin ng security guard ng gusali.

Ang direktor ay nagpahayag din ng mga hinala na ang kasintahan ni Lopez ay maaaring konektado sa kanyang pagkawala.

“He didn’t want Karen to do VMX. Baka pinigilan niya. Sana lang maging okay ang lahat,” dagdag ng direktor.