Calendar
Mahigit 200 lugar magsisilbing bigayan ng educational payout
MAHIGIT sa 200 lugar ang magsisilbing payout center para sa isasagawang pamimigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng educational cash aid.
Ito ay bahagi ng hakbang na ginawa ng DSWD para maiwasan ang pagsama-sama ng masyadong maraming tao sa iilang lugar.
Sa Metro Manila, ang bigayan ng ayuda ay gagawin sa National Vocational Rehabilitation Center sa Katipunan, Quezon City; DSWD Field Office sa Legarda, Manila; at Social Welfare and Development for Asia and the Pacific sa Taguig.
Ipinaalala ng DSWD na bawal na ang walk-in at ang mga indibidwal na nakatanggap ng confirmation text mula sa ahensya ang makakakuha ng ayuda sa itinakdang araw.
Sinabi ni DSWD Spokesperson Romel Lopez na makabubuti na huwag ng sumubok na pumunta ang mga walang confirmation text dahil masasayang lamang ang kanilang oras at pamasahe.
Ang mga mahihirap na estudyante ay maaaring mabigyan ng P1,000 hanggang P4,000 depende sa baitang.